Si Buloy

  • Sari-saring klase ng tao ang makakahalubilo natin sa buhay
  • May sandalian lang na dadaan at mayroon din namang nagtatagal
  • May aral na hatid ang bawat nakikilala natin sa buhay

Ang buhay natin ay parang isang “bus ride”. Maraming sasakay, maraming bababa; mayrong magtatagal, mayroong panandalian lamang at lilisan na rin agad.

Ngunit kung susuriin natin, bawat pasaherong sasakay sa bus ng ating buhay ay may mensaheng dala at may kahulugan sa ating buhay gaano man ito kalaki o kaliit.?

Si Buloy

MInsan ko lang siyang nakita. Isang kabataang hindi mo agad pagkakatiwalaan sa unang tingin pa lamang. Mahaba ang buhok at tila hindi nagsusuklay. Pormang tila hindi na namili ng susuotin niyang damit. Ngunit sa ikalawang tingin, mababanaag mo ang kagandahang lalaki at maiisip mo na siguro kung ito’y nag-ayos ayos, masasabi mong may kagwapuhan din!

Mabuti na lang at magalang siyang bumati sa akin.

“Tita, magandang hapon po.”

Naisip ko tuloy, “kilala ba niya ako? Bakit siya, hindi ko yata kilala?” (O marahil ay hindi ko lang natatandaan.)

Hinanap niya ang isa sa aking mga anak. Hindi ko naman ipinagkailang narito ang anak kong tinutukoy niya.

Nag-usap sila ng aking panganay. Maya-maya ay nagpaalam ang aking anak na sasama muna kay BJ at wala akong nagawa kundi pumayag. Ngunit sa likod ng aking isip ay mayroon akong hindi maipaliwanag na balisa.

Image via Pixabay

“Unfair”, sabi ko sa aking sarili. Hindi ko dapat pagdudahan ang batang iyon dahil lamang sa itsura niyang tila hindi mapagkakatiwalaan. “Don’t judge a book by its cover”, ‘ika nga.

May kalaliman na ng gabi nang bumalik ang aking anak. Nakainom. Amoy Red Horse. Hmmmm. B.I. … naisip ko tuloy. B.I. si BJ.

Sa dami ng kabataang kaibigan ko, ito yata ang nasa pinakadulo ng aking listahan. Hindi naman kasi manginginom ang anak ko. Tahimik ko na lamang na pinalampas ang pangyayari. 22 na kasi ang anak ko noon. May isip na.

Simpleng ngiti, pagtaas ng kilay, pagkibit ng balikat. Sa tinginan lamang ay nagkaintindihan na kami. “It’s nothing.”

* * * * * * *

Lumipas ang ilang buwan…

Isang araw, habang magkatabi kaming nakaupo sa harap ng computer, nakatanggap ng isang text message ang aking panganay. Diumano, ang kaibigan n’yang si Buloy (pangalang kusang tumatak sa aking isip) ay nakasaksak ng isang tiyuhin. Mabuti na lang at hindi ito napuruhan. Hindi na rin nagkademandahan. Usapang pamilya kasi.

“Remember my friend na niyaya akong lumabas, Mom? Nasaksak n’ya tiyuhin n’ya. Galing na ‘yun sa rehab. Makalawang beses na. Tumakas lang.”

Tigidong! Bumilis ang pintig ng aking puso! Bakit ngayon lang niya sinabi? Sus! Buti na lang … buti na lang at hindi ang anak ko ang nalagay sa ganoong sitwasyon!

Sinalaysay niya ang dahilan ng pagyayaya ng kanyang kaibigan. Depressed daw ito. Gusto lang ng kaibigang makikinig. At ito namang anak ko na nahawa na yata sa pagiging guidance counselor ko sa aming NGO, nagpaunlak. Pero…naku! Kung alam kong ganoon yun, baka nakapagrosaryo ako sa loob ng ilang oras na wala pa ang anak ko!

Image via Pixabay

Pero teka… bakit naiba yata ang tono ng anak ko?

“Alam mo, Ma, kahit ogag ‘yang si Kuya B, alam mo bang nung lumabas kami, na-open ko rin sa kanya pinagdadaanan kong depression. Remember? Nung inaaway kita, nung nagkasira kami ng gf ko, nung ayaw kong magsalita sa iyo, nakakaisip na ako ng hindi maganda nun! Nung na-obsess ako sa OL games at muntik nang hindi maka-graduate …. Me mga sinabi sa akin si Kuya B na nakatulong sa akin.”

Dagdag pa nito, “Sabi pa nga niya, masuwerte daw ako, understanding ang Nanay ko, mapagmahal, maasikaso. Naiinggit nga daw siya sa akin, sa amin ng mga kapatid ko. Kahit solo parent ka, ginampanan mo ang role ng tatay at nanay. Siya rin ang naging tulay namin kaya kami nagkabalikan ng gf ko! “

Kablam! Parang kanyong sumabog sa utak ko ang sinabi n’ya!

Pinsan pala ng kanyang girlfriend iyong si Kuya B. May magulong kuwento, may magulong twist sa buhay niya, pero marunong palang magpayo at me paki din sa kaibigan sa kabila ng lahat. Pero, teka…meron pa pala…

“Salamat sa patience mo, Mama. Salamat, hindi mo ako nirindi” (sabay ngiti at hug niya sa akin). Ok na ako. ‘Wag ka nang mag-alala.

@[email protected] Ngiting hanggang tainga. Luhang kung bakit habang pinipigil ay lalong bumabalong sa mata. Pinisil ko lamang ang kamay ng aking anak tanda ng pag-unawa at pasasalamat.

Minsan kasi, may mga panahong hindi na kailangan pang magsalita.

“Aba, himala!!! Ang Mama ko, speechless!” sabay tawa niya nang malakas.

Image via Pixabay

* * * * * * * * * * *

Makalipas ang isang buwan …

“Ma! Ma! Si Kuya B, wala na siya!”

Muntik ko nang nalaglag ang tangan kong tasa ng kape. Hawak pa ng anak ko ang kanyang cellphone; nangingilid ang luha.

“Nagbigti daw po. Wala na siyang buhay nang matagpuan.”

* * * * * * *

Pumailanlang ang awitin ng Parokya ni Edgar sa radyo. “Hoy, hoy, Buloy… naaalala mo pa ba?”

Hindi ko akalaing may sasakay palang Buloy sa Life Bus namn … bagama’t madali rin itong bumaba. Gayun man… nag-iwan ito ng isang makabuluhang alaala na sa maikli mang panahon, meron din palang malalim na aral itong dala.

Nanghinayang ako sa isa na namang kabataan na nawalan ng giya sa buhay. Sayang …

Minsan kasi … simpleng pagmamahal lang ang tugon sa naguguluhang isip. Pero kadalasan… ang isang simpleng pagmamahal na hinahanap ay hindi madaling matagpuan.

Sana huwag nang dumami pa ang mga Buloy sa ating mundo….. sana.

Hoy buloy, nasaan ka man
Siguradong kawawa ka, malamang walang alak diyan
Hoy buloy, nasaan ka man
Siguradong hindi ka namin malilimutan

hoy buloy, buloy, buloy