“Kapag gusto, may paraan!” Estudyante gumawa ng oven mula sa lata ng biskwit para sa pag-aaral

  • Isang estudyante sa Davao City ang hinangaan dahil sa kanyang diskarte
  • Dahil walang oven si Jovel Bante Jr, siya ang gumawa ng improvised oven na gawa sa lata ng biskwit at buhangin para sa kanyang asignatura
  • Hinangaan ito ng kanyang guro na si Raymond Minoza at sinabing sana maraming estudyante ang maging masipag tulad ni Jovel

Isang estudyanteng mula sa Davao City ang nagpabilib sa maraming netizens online dahil sa kanyang pagkamalikhain sa gitna ng kahirapan.

Imahe mula kay Raymond Minoza sa Facebook

Hindi hinayaan ni Jovel Betonio Bante Jr na maging balakid ang kahirapan upang makapagpatuloy siya sa kanyang pag-aaral.

Sa Facebook, nagpost ang gurong si Raymond Minoza kung paano siya humanga sa kanyang estudyanteng si Jovel. Gumawa kasi ito ng alternatibong oven na gawa sa lumang lata ng biskwit. Ito ay ginamit ni Jovel para magawa ang kanilang proyekto sa bread and pastry productions ng Hospitality Management course sa Holy Cross of Davao College.

Ani pa ng guro, hindi niya mapigilan na mapabilib sa diskarte ng kanyang estudyante.

Ayon pa sa kanya, “I was very inspired and touched by a student in my class when I saw these photos. Totoo talaga ang kasabihan na ‘Kapag gusto, maraming paraan,.’ Wala talagang imposible kung gugustuhin lang natin matuto.”

Dagdag pa ng guro, sana maging inspirasyon si Jovel sa ibang mga estudyante na magsikap upang matuto.

“Alam kong lahat tayo ay naghihirap sa panahong ito at gusto kong gawin natin itong inspirasyon, lalo na sa mga estudyante na maraming paraan kung gugustuhin lang nating matuto,” sabi niya.

Imahe mula kay Raymond Minoza sa Facebook

Sa huli, nagbahagi ang guro ng maiksing mensahe sa kanyang estudyante upang pasalamatan siya.

Aniya, “To Jovel Betonio Bante Jr. Thank you for inspiring me. I am hoping that you will succeed someday.”

Sa isang panayam kay Jovel ay ibinahagi niya na naisipan niyang gumawa ng improvised oven para lang may magamit sa asignatura.

“Naisipan ko po na gumawa na lang ng DIY oven para po makapag-laboratory ako sa major namin. Medyo mahirap pero kaya naman, inisip ko na gawin para may magamit ako sa laboratory namin,” kuwento ni Jovel sa ABS-CBN.

Imahe mula kay Raymond Minoza sa Facebook