10 nakagawian na kailangan nang iwasan para magkaroon ng malusog na kidney

  • Ingatan ang katawan at ang kalusugan
  • Iwasan ang mga bagay na maaaring makapinsala sa katawan
  • May sampung nakagawian na ang tao na mas makabubuting iwasan  

Wala naman sigurong tao na nangarap ng maiksing buhay o kaya’y buhay na puno ng paghihirap at pagdurusa, ano? Lahat naman ay nagnanais ng mabuting kalusugan ngunit hindi lahat ay kumikilos patungo dito.

Alam mo bang napakahalaga ng mga kidney natin? Kaya naman mainam na malaman mo ang mga nakagawian ng marami sa atin na maaaring maghatid ng karamdaman o pinsala sa ating kidneys.

Image via Freepik

It’s never too late, sabi nga, para baguhin ang ilang nakasanayan na, lalo na kung batid mo nang hindi ito nakabubuti sa ating kalusugan. Kaya naman narito ang talaan ng sampung bagay na posibleng hindi mo napagtuunan ng pansin o kaya’ysadyang hindi mo pa batid.

1. Labis na paggamit ng painkillers

Ang mga over- the-counter na medisina  – gaya ng NSAIDs (nonsteroidal anti-inflammatory drugs) – ay maaaring makapagpabawas o maibsan ang mga nararamdaman kirot at pananakit, ngunit maaari rin nitong maapektuhan ang ating kidney lalo na kung mayroon ka nang  iniindang karamdaman sa kidney. Hangga’t maaari ay bawasan ang paggamit ng mga painkillers at huwag na huwag lalampas sa inirekomendang dami o dosage.

2. Madalas na paggamit ng asin

Ang mga pagkaing maalat ay mataas sa sodium at kaya nitong pataasin ang iyong blood pressure, na kalaunan ay posibleng makasama sa kidney. Imbes na asin, gumamit ng mga herbs at spices para pasarapin ang iyong mga niluluto. Kalaunan, kapag ikaw ay nasanay na, may makaiiwas ka na sa pagdagdag ng asin sa inyong pagkain.

3. Pagkain ng mga processed foods/tsitsirya

Ang mga processed foods ay sagana sa sodium at phosphorus. Maraming tao na may problema na sa kanilang kidney ay kailangang maglimita sa phosphorus sa kanilang kinakain. Sumubok ng mga diet na gagabay sa iyo para magkaroon ng mainam na eating habits.

4. Hindi sapat na pag-inom ng tubig

Kapag ‘well hydrated’ ka, ito’y nakatutulong sa kidney upang malinis nito ang sodium at toxins sa iyong katawan. Ang pag-inom ng maraming tubig ay isang mabisa paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng mga kidney stones.  Ang pag-inom ng 1.5 hanggang 2 litro ng tubig bawat araw ang sinasabing pinakamainam na target. Samantala, yaong may mga problema na sa bato o may kidney failure na ay kailangan namang maghinay-hinay sa pag-inom ng mga likido o fluids.

5. Kakulangan sa pahinga at pagtulog

Ang maayos na pagtulog o pamamahinga ay napakahalaga sa kalusugan natin at gayon din sa ating kidney. Mas maayos ang pagganap nito sa ikabubuti ng ating katawan pagkat mayroon itong tinatawag na ‘sleep-wake cycle’  na tumutulong upang makayanan nito ang ‘workload’ sa loob ng 24 oras.

6. Labis na pagkonsumo ng mga karne

Ang protinang nakukuha sa karne ay nagdudulot ng mataas na bilang ng acid o asido sa dugo na maaaring makasama sa kidney at magdulot ng ‘acidosis’  –  isang kondisyon kung saan ay maaaring hindi kayanin ng kidney na mailabas ang acid.

Kailangan naman natin ng protina ngunit kailangan natin ng balanseng pagkain na mayroon ding mga prutas at gulay.

7. Labis na pagkahilig sa mga pagkaing ubod ng tamis o mataas ang sugar content

Ang asukal o labis na matatamis na pagkain o inumin ay naghahatid ng obesity o labis na pagtaba sa isang tao at nagpapataas sa risk na magdulot ito ng mataas na blood pressure at diabetes – dalawa sa mga nangungunang sanhi ng sakit sa bato.

Maging ang mga breakfast cereals at white bread ay may processed sugar. Pansinin ang mga ingredients kapag bumibili ng mga packaged goods para makaiwas sa karagdagang asukal sa inyong kinakain.

8. Paninigarily0

Walang duda, kahit kailan ay walang mabuting naidudulot ang paghitit sa ating baga o puso. Pero alam n’yo bang ito ay hindi rin nakabubuti sa kidneys? Ang mga humihitit ay mas malamang na magkaprotina sa ihi – na isang senyales ng pagka-damage ng kidney.

Image via Pixabay

9.Madalas at malakas na pagkonsumo ng mga nakalalasing na inumin

Ang regular at malakas na pag-inom – mahigit sa apat na beses o apat na drinks sa isang araw – ay napatunayang nagpapadoble sa risk na magkaroon ng chronic kidney disease; lalo na kung may bisyo rin ng paninigarilyo.

10. Pag-upo nang matagal

Walang duda, ang pag-upo nang matagal ay naikonekta na sa posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa kidney. Kailangan kasi ng katawan ng pisikal na pagkilos para magkaroon ng maayos na blood pressure at glucose metabolism — dalawang mahalagang bagay para sa malusog na bato. Tiyakin na kapag lagi kang nakaupo dahil sa trabaho o pag-aaral, maglaan ng ilang minuto ng paglalakad, pagtayo at pagkilos. Ang regular na pag-eehersisyo ay nakatutulong nang malaki sa kalusugan.

Image via Pixabay