Damdaming ‘Di Maisatinig

  • Malapit na naman ang Valentine’s Day kaya’t uso na naman ang mga usaping puso
  • Ok lang mag-celebrate mag-isa pero mas masaya kung mayroon kang makakasama
  • Kapag sinagot ka na ng taong mahal mo, mas lalo ka pang magiging maligaya

Hindi ako manhid, kasi nakararamdam ako. Ang mga titig mo at ang mga panakaw mong sulyap ay alam kong may ibig ipakahulugan. Sa tuwing mahuhuli kitang nakatingin sa akin, hindi mo malaman kung paanong ang mukha mo ay ipapaling. Kaso, alam mong nakita ko na at kasabay ng pamumula ng iyong mukha ay ang pagguhit ng ngiting alanganin.

Sa tuwing tayo ay magkaharap at magkausap, mistulang may sayad ka o sinasapian dahil ang iyong mga mata ay ikot nang ikot at hindi magawang magpirmi sa posisyon na aking kinaroroonan. Puwede ka na ngang mag-show sa karnabal eh, gamit ang iyong mga matang maligalig. Mga matang punung-puno ng buhay; bilugan, maitim at nangingislap ngunit hindi ko naman mapagmasdan nang matiim dahil sa akin ayaw mong tumingin.

Image via Pixabay

Minsan tuloy naitatanong ko sa aking sarili kung pangit ba ako, sabay tingin sa salamin upang masiguro ko. Subalit hindi naman, ayon sa salamin sa aking harapan. Sadya lamang ayaw mo siguro akong titigan sa hindi ko malamang kadahilanan.

Matagal na kitang gusto. Kaso nga lang, babae ako. Sa lipunang ating kinamulatan, hindi pa katanggap-tanggap na babae ang nagtatapat.

Totoo, sa ngayon may magsasabing hindi na uso iyon. Pero para sa akin, naniniwala pa rin ako sa makalumang estilong gayon. “Ikaw ay dalagang Pilipina,” sabi nga ng aking Ina. “Kaya ang dapat, hintayin mong ang binata’y ligawan ka.”

Pero napakatorpe mo naman kasi eh. Mga salita ay hindi mo masabi. Dinadaan mo ako sa ligaw-tingin, at sa mga banat mong puro pahaging. Bakit ba ako’y hindi mo na deretsuhin? Ang pagsinta mo’y ilahad na sa akin. Alam kong alam mo na sa ‘yo rin ay may pagtingin, kaya sana naman sa akin na ay sabihin.

Aminin mo na na mahal mo ako, na sa akin ikaw ay matagal nang may gusto. Pag iyan ginawa mo, pangako ko sa iyo, sa aking sagot hindi ka mabibigo. Ibibigay ko sa iyo ang matamis kong oo, nang sa ganun ay maging masaya na tayo.

Mga damdaming ‘di maisatinig, parang lagi na lang sa lalamunan ay may bikig. Kapag tayo’y magkasama, ako ay kinikilig. Ang mundo kong tahimik nagiging maligalig. Lakasan mo ang iyong loob, at umasa kang hindi ka tataob. Pag sa akin ika’y magtatapat, ang sagot ko ay hindi magluluwat. Oo agad, Oh my god! Sapagkat kay tagal kong hinintay ang iyong paglalahad.

Isang araw sa aking paggising, sabi mo sa akin ikaw ay may gustong sabihin. Ako ay kinabahan; ano kaya ang nais mong sa akin ay ipaalam? At sa ating pagtatagpo sa araw na itinakda, ang damdamin ko’y halu-halo at punung-puno ng kaba. Siguro masasabi kong ito ang pinakamasayang araw sa buhay ko. Dahil ang pinakaaasam-asam kong mga salita ay narinig ko na mula sa mga labi mo.

Image via Pixabay

Ang pinakatago-tago mong damdamin, sa wakas ay naisatinig din. Sa tagal kong naghintay, akala ko’y aabot na tayo sa hukay. Salamat at isang araw, ikaw ay nagising. At iyong napagtantong pagsinta’y dapat iparating.

Ang mga kamay ko ay iyong ginagap, at sa aking harapan ikaw ay nagtapat. Para akong lumutang sa alapaap, sa narinig ko ako ay napa-palakpak. Ang tanging nasabi ko sa’yo, “Oo, oo, I love you too!” At totoo nga namang ito ang pinakamasayang araw sa buhay ko.

Ang pag-ibig na ito ay sadyang laan para sa atin. Ang pagmamahalan natin ay ating payabungin. Maging masaya at laging maligaya, at magkasamang harapin ang mga problema.

Sana ating mapagtagumpayan itong ating wagas na pag-iibigan. Pagkat sa aking pagtanda, nais kong ikaw ang aking makasama.

Image via Pixabay

#DefinitelyFilipinoBloggers