‘Basura’ ng kumpanya, ginawang negosyo ng madiskarteng pamilya

  • Ibinahagi ni Bianca Mateum ang kanilang negosyo ng bags at accessories
  • Ang nakabibilib ay gawa ito sa mga lumang tela mula sa isang kumpanya
  • Marami ang humanga dahil ito ay patunay na minsan hindi sa laki ng puhunan kundi diskarte ang kailangan para makapagsimula ng negosyo

Isang netizen ang nagbahagi ng kanyang negosyo na mula sa dapat sana’y itatapon nang basura ng isang kumpanya.

Image by Bianca Mateum via Facebook

Sa gitna ng pandemya, hindi maipagkakaila na marami ang nawalan ng trabaho at naging gipit sa pera. Ngunit hindi ito naging balakid para sa isang pamilya kundi naging inspirasyon pa nga upang magpatuloy para sa kanilang maliit na negosyo.

Pinatunayan ni Bianca Mateum na minsan hindi kailangan ng malaking puhunan para sa isang negosyo. Minsan, diskarte ang mas kailangan.

Sa Facebook group na “Buhay Zero Waste,” ibinahagi ni Bianca ang kanilang mga gawang bags, purses at accessories. Ang mas nakabibilib ay gawa ito sa mga pinaglumaan at tirang tela mula sa mga vertical at roll up blinds.

Image by Bianca Mateum via Facebook

Kuwento pa ni Bianca, nawalan ng trabaho ang kanyang ama na si Ernesto noong nakaraang taon. Ang kumpanyang dating pinapasukan niya ang pumayag na ibigay na lamang sa kanya ang mga pinagtabasang tela na sana ay itatapon na lamang.

“Eto po ay dapat papuntang landfill but my tatay’s former company opted to send a truckload to us instead. Owner knows nanay will turn them to something useful and beautiful,” ani pa ni Bianca.

Image by Bianca Mateum via Facebook

Ang kanilang negosyo ay tunay na “family-made” dahil lahat sila ay nagtutulong-tulong dito. Si Bianca ang nagbebenta ng mga gawang bags nila online at ang nanay niyang si Gigi naman ang nagtatahi.

Ani pa ni Bianca ay masaya silang nakakabawas sila sa basura at kumikita pa. Marami ring mga netizens ang natuwa sa kanilang mga bags na talagang matibay dahil sa materyales na gamit nila.

Kuwento ni Bianca, “We’re really grateful sa ‘basura’ po ng company nila tatay at sa creativity ng nanay ko sa pagtahi ng bags at accessories. Malaking tulong po itong naging business namin sa panahon po ngayon na hirap po tayong magmanage ng plastic waste, at syempre limited source of income. Sipag at tiyaga lang po para makabenta.”

Source :

Facebook