Nanay na nakatanggap ng Balikbayan Box, nagbigay ng kamote bilang pasasalamat: “Galing sa aming puso”

  • Nakatanggap ng donasyong Balikbayan Box si Nanay Candida Repolito
  • Tuwang-tuwa ang kanilang pamilya sa regalo
  • Sa huli, nag-abot ang kanilang pamilya ng isang sakong kamote bilang pasasalamat

Isang Nanay mula sa Aklan ang lubos na natuwa sa natanggap na Balikbayan Box.

Image Capture of Video by Pobreng Vlogger via Youtube

Isang surpresa ang dala ng vlogger na si Archie Hilario para kay Nanay Candida Repolito. Mula sa Pobreng Vlogger YouTube channel ni Archie, makikita ang vlog niya kung saan isang malaking Balikbayan Box ang donasyong handog nila para kay Nanay mula pa mismo sa Amerika.

Isang matamis na ngiti ang binigay ni Nanay Candida habang binubuksan ang box na puno ng mga pagkain, damit at laruan. Ang kanyang mga apo rin ay manghang-mangha sa mga laman ng Balikbayan Box.

Sa video ay maririnig mo pa ang bata na pabalik-balik sa pagsasabi ng “wow.”

Si Nanay Candida namin ay mangiyak-ngiyak sa pamaskong kanilang natanggap. Nagpasalamat rin siya at sinabing, “Maraming salamat sa nagbigay ng pagkain, mga laruan ng mga bata. Ganito pala, naiiyak ako sa tuwa. Ngayon lang kami nakatanggap ng ganito. Marami ito, galing Amerika.”

Ani pa ni Nanay, ang Panginoon na umano ang bahala na gumanti sa kabutihang loob ng nagbigay ng regalo.

Sabi niya, “Ngayon, marami at mamahalin ang binili nito, mga hindi ko kayang bilhin ito. Maraming salamat sa nagbigay nito. Sana bigyan kayo ng Diyos ng lakas ng katawan at biyaya. Bahala na siya ang gumanti sa inyo at ilayo kayo sa sakit. Ibabalik rin sa iyo ang biyayang binigay niyo sa amin, Siya ang bahalang magbayad sa inyo. Kasi kami hindi namin kaya magbayad sa inyo, ang Diyos na ang bahala sa inyo.”

Image Capture of Video by Pobreng Vlogger via Youtube

Bilang pasasalamat ay nag-abot pa sila Nanay ng isang sakong kamote kina Archie. Tumanggi ang vlogger at nagsabing sila ay tumutulong nang walang kapalit.

Ngunit nagpumilit ang matanda at ang sabi pa ay, “Bigay namin iyan galing sa aming puso.”

Panoorin ang video mula sa Pobreng Vlogger YouTube channel:

Source :

YouTube