Online seller proud na ibinida ang napundar na bahay kubo

  • Proud na ipinasilip ng isang online seller ang bahay kubo na katas ng kanyang pag-o-online selling
  • Dati umano ay nakikitulog lamang siya at walang sariling kuwarto, ngunit ngayon ay hindi lamang kwarto ang meron siya kung hindi isang bahay
  • “Nakakaproud lang na yung luho at gusto mong mabili, nabibili mo na sa sarili mong pera at ‘di na umaasa sa mga magulang”

Thank you so much, Lord, di ako magsasawang magpasalamat sa’yo na kahit ganitong pandemic may kita pa din kami,”pahayag ng isang online seller matapos na maipagawa niya ang bahay na bunga ng kanyang pagtitiyaga.

Sa Facebook post ni Bresa Buccat Bernardo Ibasitas, ipinagmalaki niya ang “kakadeliver lang” na bagong gawang bahay kubo. Dati umano ay nakikitulog lamang siya at walang sariling kuwarto, ngunit ngayon ay hindi lamang kuwarto ang meron siya kung hindi isang bahay.

Imahe mula sa Facebook| Bresa Buccat Bernardo Ibasitas

Ang bahay na kanyang ipinagawa ay yari sa kawayan at pawid na tradisyunal na tirahan ng mga Pinoy na kinamulatan ng marami. Ngunit dahil sa nagbabago ang panahon ay iniakma ang disenyo at mga karagdagang materyales at detalye ng bahay kubo na ito sa modernong panahon.

Imahe mula sa Facebook| Bresa Buccat Bernardo Ibasitas

Ayon sa kanya, “Nakakaproud lang na yung luho at gusto mong mabili, nabibili mo na sa sarili mong pera at di na umaasa sa mga magulang. Dahil sa pagsisikap makapag-ipon, ‘yung puyat at stress namin, ito na kapalit dahil sa pag-oonline selling.

Idinagdag pa niya ang ilang mga karanasan sa pagbebenta ng mga produkto online. Iba’t ibang klase ng customer ang mae-encounter, mayroong masungit at mahirap kausap ngunit, mas marami pa rin naman umano ang mababait at nagtitiwala.

Imahe mula sa Facebook| Bresa Buccat Bernardo Ibasitas

Ipinaabot niya sa mga kapwa niya online seller ang ilang words of encouragement upang hindi sumuko sa pag-abot ng kanilang mga pangarap,Kaya sa mga kapwa ko online sellers na may pangarap tulad ko, kapit lang darating din yung time nyo. Sipagan lang walang impossible!

At sa huli ay ibinahagi ni Bresa sa kanyang post ang halaga ng kanyang nagastos sa pagpapagawa ng kanilang bahay kubo, “70K po 6x16ft (with wirings, sliding window at aircontype).” 

Mainam nga naman na sa bawat pagsusumikap ay makikita ang bunga ng bawat pinagtrabahuhan. Talagang kung may pangarap, sipag at tiyaga ang kailangan.