“Tondominium” sa Lungsod ng Maynila sisimulan na ang pagtatayo sa kabila ng COVID-19 pandemic

  • In-city Vertical Housing Project ng Lungsod ng Maynila, umarangkada na
  • Pinangunahan ni Mayor Isko Moreno ang groundbreaking ceremony ng Tondominium 1 and 2
  • Inaaasahan na tatagal ng dalawang taon ang konstruksyon ng proyekto

Hindi alintana ang patuloy na pananalasa ng COVID-19 crisis sa bansa, pinangunahan ni Mayor Isko Moreno ng Lungsod ng Maynila ang pagsisimula ng katuparan ng kanyang pangakong disenteng pabahay sa mga karapat-dapat na Manileño, kabilang na ang mga kawani ng city government at ang mga mamamayan ng lungsod na walang sariling bahay.

Imahe mula sa Manila PIO

Isinagawa noong Lunes, ika-1 ng Hunyo, ang groundbreaking at capsule-laying ceremonies para sa Tondominium ng In-city Vertical Housing Project ng pamahalaang panglungsod ng Maynila.

Ang Tondominium 1 and 2 building ay may labinlimang palapag na may 336 units. Ang sukat ng bawat unit ay 44 square meters. Dalawa ang silid kada unit. Mas malaki umano ito kumpara sa ilang mga condominium unit sa bansa.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde na marami ang nagtatanong kung bakit malaki ang sukat ng bawat unit ng housing project. Ang sagot niya, nais raw niyang ipakita sa lahat na posibleng magkaroon ng disenteng pamamahay na may disenteng espasyo ang mga mamamayan.

Aniya, mahirap maging iskwater sa sariling bayan tulad ng naranasan nila ng kanyang mga magulang noong bata pa siya. Narasanan umano nila na palayasin sa bahay na inuupahan dahil walang pambayad.

Sa pamamagitan ng housing project ay tutuldukan ng Lungsod ng Maynila ang kawalan ng sariling tahanan ng mga Manileño. Hindi umano magiging hadlang ang COVID-19 sa pagpapatuloy ng proyekto.

Imahe mula sa Manila PIO

“Today is the start of the new era, the new beginning in every open space that we can make available, it will be built with housing in the city of Manila, ibigyan natin ng tuldok ang mahabang panahon na pamumuhay sa gitna ng kalsada, sa gitna ng highway, sa gilid ng dagat, sa gilid ng ilog. Magkakaroon ng pag-asa,” wika ng mayor.

Ayon kay Yorme, inaasahang tatatagal ng dalawang taon ang konstrukyon ng proyekto.

Bukod sa Tondominium, sisimulan na rin ang iba pang proyektong nasa ilalim ng “BuildBuildManila” infrastructure program tulad ng “Binondominium,” Bagong Ospital ng Maynila at Bagong Manila Zoo.

Imahe mula sa Manila PIO
Source :

Facebook, Tribune