“Pedi-Grab” na puwede sa new normal handog ni Yorme sa mga pedicab drivers; Piso lang ang downpayment

  • “Pedi-Grab” o “Taxi-cle,” iprinisinta ni Yorme sa mga padyak drivers at operators
  • Ang tri-wheel motorized vehicle ay gawa ng Italian motor vehicle manufacturer na Piaggio
  • Piso lang ang downpayment na hihingin sa mga nais bumili ng taxi-cle at P188 a day ang installment payment sa loob ng 5 years

Iprinisinta ni Manila City Mayor Isko Moreno sa mga pedicab drivers sa lungsod ang modernong tri-wheel motorized vehicles na maaaring magamit na pambiyahe sa ilalim ng “new normal.” Tinatawag na “Pedi-Grab” o “Taxi-cle” ang naturang sasakyan.

Imahe mula sa Manila PIO

Ang sasakyan ay gawa ng Italian motor vehicle manufacturer na Piaggio, ang gumagawa ng popular na Vespa scooter. Mayroong plastic dividers sa pagitan ng mga upuan para sa physical distancing. Tumatakbo ito gamit ang diesel o gasolina.

Maraming padyak drivers at pedicab operators ang nagpahayag ng kanilang interes na magkaroon ng Pedi-Grab matapos ang serye ng pakikipagpulong nila kay Yorme.

Sinabi ng alkalde na piso lang ang magiging downpayment para sa isang taxi-cle at P188 a day ang installment payment sa loob ng limang taon.

“Para matapos na ang panahon na padyak nang padyak araw-araw. Mas ligtas ito, may insurance pa na five years, kaya walang kaba ‘yung pasahero anuman ang mangyari o kung nasira ‘yung sidecar,” ani Mayor Isko.

“Nasa kanila kung tingin nila eh tataaas ang antas ng kanilang hanapbuhay o kung gusto nilang ganun na lamang sila. Ako kasi bilang dating sidecar boy, kung ako ay mabibigyan ng gobyerno ng ganyang pagkakataon, bakit hindi? Basta ako, hindi ko i-introduce kung malalagay kayo sa alanganin,” dagdag pa ni mayor.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Sa oras na bumili ng taxi-cles ang mga pedicab drivers ay bibilhin naman ng Manila City government ang luma nilang pedicab sa presyong parehas at sisirain upang hindi na magamit sa mga lansangan ng Maynila.

Nakahandang bumili ang lokal na pamahalaan ng 2,000 units ng taxi-cles mula sa Piaggio.

Source :

Facebook, Journal