Operasyon ng mga jeepney maaari nang payagan sa Metro Manila kapag inalis na ang GCQ

  • Operasyon ng mga jeepney maaaring payagang bumiyahe simula June 30
  • Tinatayang hanggang 104 rationalized PUJ routes ang bubuksan kapag inalis na sa GCQ ang Metro Manila
  • Anim na ruta ng mga city bus ang binuksan ng DOTr sa gitna ng pananatili ng GCQ sa Metro Manila

Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na payagan na ang operasyon ng mga jeepney sa oras na alisin na ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) at isailalim sa mas maluwag na modified GCQ sa June 30.

Imahe mula sa RMN

Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mayroon na silang na-identify na mga ruta para sa bihaye ng mga public utility jeepney (PUJ).

Ipinahayag ni LTFRB Chairman Martin Delgra sa ginanap na congressional hearing kamakailan na isasapubliko nila ang mga ruta na maaaring pagsilbihan ng mga PUJ. Aniya, papayagan ang operasyon ng mga ito sa rutang walang bus at train services.

“We have identified 100 or 104 rationalized PUJ routes to be opened once the GCQ is lifted or after the bus routes,” sabi ni Delgra.

“We’re looking at on or before the end of the month, because ‘yung routes na-identify na, ‘yung numero na-identify na,”dagdag pa niya.

Sa naunang pahayag ng Department of Transportation, ang pagbabalik ng operasyon ng public transportation sa Maynila ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay nagsimula na noong June 1 at matatapos sa June 21 kung saan limitado lang ang mga sasakyang pampubliko na pinayagang makabiyahe.

Imahe mula sa PNA

Ang ikalawang bahagi naman ay sisimulan sa June 22 kung saan ang mga modern jeepneys ang papayagang makabiyahe.

Samantala, anim na ruta ng mga city bus ang binuksan ng DOTr sa gitna ng pananatili ng GCQ sa Metro Manila ay mga kalapit-bayan nito.

Binuksan noong June 16 ang Route 14, mula Ayala, Makati City hanggang sa Alabang, Muntinlupa City; Route 15, mula Ayala hanggang Biñan, Laguna; at Route 27, mula sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) hanggang sa Trece Martires, Cavite.

Sa June 18 naman ang Route 23, mula sa PITX hanggang Sucat, Parañaque; Route 26, mula sa PITX hanggang Naic, Cavite; at Route 30, mula  PITX hanggang Cavite City.

Imahe mula sa PITX