Napakaraming pasahero na-stranded dahil walang masakyan sa first day ng GCQ sa Metro Manila

  • Libo-libong pasahero ang stranded sa mga lansangan dahil sa kakulangan ng transportasyon
  • Ilang government agencies ang nag-deploy ng mga trucks at bus upang libreng isakay ang mga pasahero
  • Ang mga jeepney, bus at UV Express ay sa ikatlong linggo ng Hunyo pa papayagang makabiyahe

Libo-libong mga pasahero, na ang karamihan ay mga mangggagawa na magbabalik-trabaho, ang na-stranded sa Metro Manila sa unang araw ng pagpapatupad ng general community quarantine noong Lunes, ika-1 ng Hunyo, dahil sa kakulangan ng masasakyan.

Screenshot mula sa UNTV video

Hindi sapat ang mga transportasyon na pinayagan ng pamahalaan na bumiyahe sa ilalim ng GCQ kabilang ang Point-to-Point bus, MRT augmentation bus, rail lines, transport network vehicle service, shuttle bus, tricycle at maging bisikleta.

Ang mga jeepneys, bus lines at UV Express na karaniwang makikita sa mga lansangan ay sa ikatlong linggo ng Hunyo pa umano papayagang makabiyahe.

Dahil sa malubhang sitwasyon, ilang ahensya ng gobyerno kabilang ang Philippine Coast Guard at Philippine National Police (PNP) ang nag-deploy ng mga truck upang magsakay ng mga stranded passengers.

Tiniyak ni PNP Chief Archie Gamboa na kahit limitado ang kanilang mga truck ay patuloy nilang gagawin ang Libreng Sakay Program.

“We are all now under GCQ. A certain portion of mass transportation is allowed so we expect people to have available rides, but of course it’s still limited,” aniya.

Screenshot mula sa UNTV video

Sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang militar ay nag-deploy ng 48 trucks at buses upang libreng isakay ang mga pasahero. Aniya, magpapatuloy ang deployment ng mga ito habang hindi pa sapat ang transportasyon na pinapayagan ng Department of Transportation.

Ikinalungkot naman ni DOTr Secretary Art Tugade ang sitwasyon ng mga pasahero, ngunit nilinaw niya na wala silang ipinangako na magiging convenient ang mga unang araw ng GCQ.

“We did not give any expectations that on the first day of GCQ, all those who would go out will be able to get a ride. There is a limitation. We did not promise or said anything that transportation will be extensive and will meet the requirements of all on the first day of GCQ and even on the duration of the GCQ for that matter because as I have said, our approach is partial, limited, calculated, and gradual,” paliwanag ni Sec. Tugade.

Sabi pa niya, may responsibilidad din ang ahensya na tiyakin na ang pagkalat ng COVID-19 ay mapigilan.

Maraming mga manggagawa ang napilitang umuwi na lang sa kani-kanilang tahanan dahil walang masakyan.

Screenshot mula sa UNTV video