Mga babala tungkol sa posibleng panganib sa paggamit ng FaceApp

  • Nagbabala ang PNP Region 12 sa posibleng panganib na dala ng paggamit ng FaceApp
  • Posible umanong makompromiso ang personal information ng user ng mobile application
  • Sinabi ng isang abogado na ang facial features ay personal data rin

Nagbigay ng paalala sa mga netizens ang Philippine National Police (PNP) Region 12 hinggil sa paggamit ng popular ngayong FaceApp, isang mobile application na nakagagawa ng realistic transformation ng mukha sa mga larawan.

Imahe mula sa Wikipedia

Babala ni P/Major Leo Dofelis ng Region 12 Regional Anti-Crime Unit, nakokompromiso ang personal information ng user nito.

Sa pag-install pa lang ay may security risk na raw na nagaganap. Posible umano itong maging daan para sa mga hackers na magamit sa paggawa ng fake account at cybercrime ang makukuhang impormasyon mula sa user ng mobile app.

Ilang Facebook users din ang nagbigay ng paalala sa paggamit ng FaceApp.

Kailan lang daw ay nagdulot ng alarma sa maraming netizens ang mga nagsulputang clone o dummy accounts sa Facebook, pero sa FaceApp ay malaya umanong ibinabahagi ang mga personal data para magamit ito.

“We leaped from Facebook fake accounts scare to giving our data to FaceApp…in less than two weeks,” sabi ng Facebook user na si Justine Balane.

Sinabi naman ng isang abogado na ang mga facial features ay personal data rin na hindi dapat basta na lang ipinamimigay.

Female version ni Yorme sa FaceApp/Screenshot ng tweet ni Yorme

“Dear friends, don’t forget that your facial features are DATA. Just like passwords or addresses, you don’t just submit them to a random app even if in exchange for something really really cool,” paalala ng election lawyer na si Emil Marañon III.

Ang FaceApp ay inilunsad noong 2017. Una itong nag-viral noong nakaraang taon nang maraming users ang gumamit nito upang malaman ang kanilang hitsura pagkalipas ng 50 years. Ngayon ay muli itong naging popular dahil sa gender-swapping filter nito kung saan ang lalaki ay nagmumukhang babae at ang babae, nagmumukhang lalaki.

Screenshot ng tweet ni Yorme