Hindi totoong may bagong disenyo na ang Pambansang Watawat ng Pilipinas – NHCP

  • Pinabulaanan ng NHCP na may bagong disenyo ang Pambansang Watawat ng Pilipinas
  • Kumalat sa social media ang isang imahe ng Philippine flag na may bagong disenyo
  • Ang naturang imahe ay ibinahagi sa pekeng Facebook page na nagpapanggap na NHCP

Walang bagong disenyo ang Philippine national flag.

Imahe mula sa NHCP

Ito ang paglilinaw na sinabi ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) kasunod ng kumalat sa social media na larawan ng watawat ng bansa na nagtataglay ng bagong disenyo kasabay ng pagpasok ng Hunyo, ang buwan kung kailan ginugunita ang kasarinlan ng Pilipinas.

Ang imahe ng Philippine flag na  may bagong design umano – na nagpapakita ng asul-pula-asul na stripes at may kulay puting tatsulok kung saan naroroon ang tatlong bituin at araw na may walong sinag – ay ibinahagi sa pekeng Facebook page na nagpapanggap na NHCP.

Sinabi sa pekeng Facebook page na unang matutunghayan ang bagong disenyong watawat sa ika-12 ng Hunyo 2020.

Sa isang advisory na may lagda ni NHCP Executive Director Restituto Aguilar, sinabi na ang Komisyon ay walang kinalaman at hindi sinusuportahan ang anumang pagbabago ng disenyo ng Pambansang Watawat ng Pilipinas.

“In response to the fake Facebook page of National historical Commission of the Philippines, wherein an image of a “new flag of the Philippines” is being disseminated, public notice is hereby given, reminding that  NHCP did not make the said page, or advocate or support a new design for our National Flag,” ayon sa bahagi ng NHCP advisory.

Screenshot ng watawat ng Pilipinas na binago ang disenyo

Kung magpapatuloy pa umano ang hoax, nagbabala ang NHCP na makikipag-ugnayan ito sa Anti-cybercrime Division ng National Bureau of Investigation upang matunton ang mga taong nasa likod ng panlilinlang.

Sinabi pa ng Komisyon na, ayon sa itinatakda ng ating Saligang Batas at ng Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang anumang pagbabago sa disenyo ng Pambansang Watawat ay maaari lang gawin kung aamyendahan ang mga nabanggit na batas.

Imahe mula sa NHCP
Source :

CDN, Facebook