Dating kampeon sa “PINASikat” ng It’s Showtime, hinangaan ang galing sa America’s Got Talent

  • Pinoy talent, nagpakitang-gilas sa America’s Got Talent
  • Pinahanga ng Spyros Bros hindi lang ang live audience kundi maging ang judges at host ng talent show
  • Ang Spyros Bros ang Grand Champion sa “PINASikat” talent show ng It’s Showtime noong 2015

Dalawang magkapatid na Pinoy – si Marco Angelo at Marc Albert – na lumaki sa Amerika ang nagpakitang gilas sa 15th Edition ng America’s Got Talent. Spyros Bros ang tawag nila sa sarili.

Imahe mula sa Instagram account ni Marco (Spyros Bros)

Ipinakita nila ang husay sa paglalaro ng diabolo, isang uri ng Chinese yoyo na korteng hourglass na karaniwang ginagamit sa mga circus. Ang diabolo ay pinaiikot sa tali na nakakabit sa dalawang sticks na hinahawakan ng naglalaro nito.

Pinahanga ng magkapatid hindi lang ang live audience kundi maging ang tatlong judges ng talent show na sina Howie Mandel, Sofia Vergara at Simon Cowell at pati na rin ang show host na si Terry Crews sa ipinakita nilang iba’t ibang tricks sa diabolo.

Sa unang bahagi ng kanilang act ay tila hindi na-impress ang audience sa ginagawang simple tricks ng isa sa magkapatid na si Marco Angelo, na nakitang mag-isa lang sa stage. Subalit nagulat ang lahat nang lumitaw si Marc Albert sa gitna ng mga audience, sa dakong likuran ng mga judges, at inihagis sa kapatid ang isang diabolo.

Nagpalitan pa ng hagisan ng diabolo ang dalawa bago umakyat sa stage si Marc Albert upang ipagpatuloy doon ang nakamamangha nilang talento.

Screenshot mula sa AGT

Sa Instagram post ni Marco Angelo, sinabi niyang may nabuo silang pangarap sampung taon na ang nakalilipas at sa wakas ay nagkatotoo na iyon sa NBC television network kung saan iniere ang talent show.

Noong 2015 ay umuwi sa Pilipinas ang magkapatid upang alamin ang kulturang Pilipino at upang ibahagi na rin sa mga kababayan ang kanilang talento.

Screenshot mula sa AGT

Ang Spyros Bros ay unang natunghayan ng mga Pinoy sa “PINASikat,” isang talent contest portion ng It’s Showtime noontime show. Ang contest ay tumagal ng limang buwan. Ang magkapatid ang itinanghal na Grand Champion na nag-uwi ng isang milyong piso at isang house and lot mula sa Camella Homes.

Panoorin at mamangha sa husay ng Spyros Bros: