Dalawa sa tinaguriang “Piston 6” jeepney drivers nagpositibo sa COVID-19

  • Dalawa sa “Piston 6” ang nagpositibo sa COVID-19
  • Dapat umanong masuri rin ang mga nakasama nila sa piitan at ma-disinfect ang pasilidad
  • Ang dalawang nagpositibo ay naka-isolate na

Naaalala n’yo pa ba ang anim na tsuper ng jeep na tinaguriang “Piston 6” na dinakip at ipiniit nang ilang araw matapos nilang magsagawa ng protesta at manghingi ng ayuda dahil hindi pinayagang pumasada ang mga jeepney kahit inilagay na ang Metro Manila sa mas maluwag na general community quarantine?

Imahe mula sa Piston

Dalawa sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19. Ibinalita ito ni Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice sa kanyang Facebook account noong Miyerkules, June 17.

Anang mambabatas, dapat masuri rin ang mga nakasama nila sa piitan at ma-disinfect ang pasilidad.

“Dalawa po sa anim na nakulong sa Caloocan Detention Facility ay nag-positive sa COVID-19. Mahalaga na ma-test din ang nakasama nila sa piitan, at ma-disinfect ang nasabing facility,” post ni Erice.

Nitong Huwebes, June 18, ay kinumpirma ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ang sinabi ni Rep. Erice.

Sinabi ng Piston na sumailalim sa real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test, ang itinuturing na gold standard sa COVID-19 testing, ang anim na jeepney drivers at ang dalawang nagpositibo ay naka-isolate na. Hindi umano lumahok sa anumang kilos-protesta na isinagawa noong Independence Day noong June 12 ang dalawa.

Imahe mula sa Piston

Ayon pa sa grupo ng mga jeepney drivers,hindi nila alam kung saan nahawa ang dalawa nilang miyembro, subalit pinuna nila na ang detention facility sa Caloocan kung saan sila ipiniit ay maliit at nagsisiksikan ang mga detainees.

“Sa loob ng kulungan, nagsisiksikan ang 153 katao sa isang napakaliit na pasilidad. Inirereklamo ang kawalan ng social distancing na nagpapataaas ng tsansa na magkahawahan sa sakit,” pahayag ng Piston.

“Dagdag pa rito ang kawalan ng malinis na tubig upang makapaglinis nang maayos ng katawan ang mga nakakulong. Labas-pasok rin ang iba’t ibang tao sa detention center na ito,” sabi pa nito.

Hindi pinangalanan ang dalawang tsuper na COVID-19 positive, subalit sinabi ni Rep. Erice na ang 72 years old na si Mang Elmer Cordero, ang huling tsuper na pinalaya sa anim, ay nagnegatibo sa COVID-19 test.

Imahe mula sa Piston