Suweldo at benepisyo tiniyak ng ABS-CBN na matatanggap pa rin ng employees sa susunod na 3 buwan

  • Walang ABS-CBN employees na matatanggal sa trabaho dahil sa retrenchment
  • Sa loob ng susunod na tatlong buwan ay tatanggap pa rin ng suweldo at benepisyo ang mga ABS-CBN employees
  • Ang NTC ay nag-isyu ng cease and desist order laban sa ABS-CBN matapos mag-expire ang congressional franchise nito noong ika-4 ng Mayo

Tiniyak ng pamunuan ng ABS-CBN na makatatanggap pa rin ng buong suweldo at benepisyo ang kanilang mga empleyado sa susunod na tatlong buwan sa kabila ng pagtigil ng operasyon nito.

Imahe mula sa Facebook account ng ABS-CBN

Tumigil ang operasyon ng TV network matapos maglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil expired na ang congressional franchise nito.

Isiniwalat ni Bianca Gonzales, isang TV host at modelo, ang ginawang pakikipag-usap ng pamunuan ng ABS-CBN sa mga empleyado nito  kasunod ng paghinto ng kanilang operasyon. Siniguro ng kumpanya na walang matatanggal sa trabaho dahil sa retrenchment sa loob ng susunod na tatlong buwan.

“Our bosses in a live chat with employees after broadcast ended: ‘For the next three months wala pong mawawalan ng trabaho due to retrenchment. Active ang lahat ng benefits, including medical, sa panahon na ito.’ Never been prouder to be a Kapamilya,” tweet ni Bianca.

Sa hiwalay na post, ibinahagi rin ni Bianca na simula nang magdeklara ng enhanced community quarantine (ECQ) ang pamahalaan ay buo  pa rin ang suweldong natatangap ng mga kawani ng ABS-CBN.

Screenshot ng tweet ni Bianca Gonzales

“Para malaman din ng lahat: Magmula nang magsimula ang ECQ, buong sweldo na ang binibigay ng ABS-CBN sa mga empleyado. At ang mga boss namin ay nag salary deduction sa panahon na ito. Grateful for our leaders,” ayon sa TV host.

Tinatayang 11,000 empleyado ang apektado ng pagsasara ng ABS-CBN. Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pinag-aaralan ng pamahalaan kung maaaring maisama ang mga apektadong empleyado sa COVID-19 financial assistance program.

Binanggit ni Roque ang “Small Business Wage Subsidy Program” ng Social Security System kung saan ang mga qualified na manggagawa ay makatatanggap ng cash assistance na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000, depende sa minimum wage ng rehiyon, sa loob ng dalawang buwan.