‘Sorry…quit ML’: Post ng isang ama matapos magselos ng anak sa kanyang paglalaro ng online game

  • Sa uploaded video ng isang netizen ay makikita ang isang bata na umiiyak at nagrereklamo tungkol sa paglalaro ng online game ng kanyang ama
  • Kaya upang makabawi sa anak na nagtatampo ay kinailangan niyang mag-quit sa paglalaro ng mobile legends
  • Ang video na ito ay kinaaliwan naman ng netizens at umani ng sari-saring reaksyon

Pinakasikat na gadget ngayon ang cellphone dahil sa napakaraming gamit nito. Bukod sa malaking tulong ito sa komunikasyon ay maaari din itong gamitin bilang libangan gamit ang mga games na ini-install dito. May mga games na maaaring ma-access offline habang ang iba naman ay kailangang i-access online.

Isa sa mga laro na patok ngayon ay ang ML o Mobile Legends. Ito ay isang multiplayer online game na nilalaro hindi lamang ng mga bata kundi pati na rin ng matatanda. Nakalilibang nga ang larong ito, ngunit ayon sa artikulong ‘Mobile Legends Addiction: How Excessive Gaming Damages You‘ na mula sa website ng Bridges of Hope, ang mobile gaming ay maaaring mauwi sa ‘excessive gaming and even gaming addiction.’

Imahe mula sa Freepik

Sa uploaded video ng Facebook user na si Jhon Herson Inciong ay makikita ang isang bata na umiiyak at nagrereklamo tungkol sa paglalaro ng online game ng kanyang ama. Ang uploader na siya ring tatay ng bata sa video ay inilagay ang caption na “Sorry… quit ML” bilang pagbawi na rin sa nagtatampo niyang anak.

Imahe mula sa Facebook | Jhon Herson Inciong

Ayon sa anak ni Jhon, ito ang dahilan kung bakit siya nagtatampo, ‘eh puro ka mobile legends eh.. pag nasa trabaho mobile legends, pagkagising mobile legends, pagkatapos kumain mobile legends, pag naka-charge mobile legends, pag nasa CR mobile legends… Hindi mabitawan ang cellphone na iyan eh.’ 

Kaya para sa anak ay mas pinili niya na mag-quit na sa paglalaro ng mobile legends.

Kinaaliwan naman ito sa socmed, at tila maraming makaka-relate dito. May isa pa nga na nag-comment sa post ni Jhon,

Si ineng talaga anong higpit mo baga. Di pwedeng uminom. Di pwedeng kumausap sa iba, ang mommy lang, di pwedeng magsinungaling, di pwede manok, ngayon naman di pwedeng mag-ML. Ano pa bang hindi pwede para idagdag natin sa listahan. Neng ang cute mo. Huwag ng tumampo mahal ka naman ni daddy mo.”