Rekomendasyong 15-day ECQ extension ng Metro Manila mayors, masusing pag-aaralan ng IATF

  • Masusing pag-aaralan ng IATF ang rekomendasyon ng MMC na panibagong 15-day ECQ extrension
  • Ang magiging desisyon ng IATF hinggil sa rekomendasyon ng MMC ay depende umano sa mga makakalap na datos ng isang technical working group
  • Posible umanong magkaroon ng pinal na desisyon kung palalawigin pa o hindi na ang ECQ sa Metro Manila sa May 13 o May 14

Pag-aaralang mabuti ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC), na binubuo ng lahat ng mga alkalde sa buong Metro Manila, na magkaroon ng panibagong 15-day extension ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila pagtapos ng May 15.

Imahe mula sa The Filipino Times

Noong nakaraang araw ay ipinahayag ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, ang chairman ng MMC, na opisyal nilang irerekomenda sa pamamagitan ng isang resolusyon ang 15-day ECQ sa National Capital Region pagkatapos ng kanilang virtual conference nitong Sabado, ika-9 ng Mayo.

“Ginagalang natin ang rekomendasyon ng ating Metro Manila mayors kasi nga po katuwang natin sila sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine,” pahayag ni Department of Interior and Local Government Undersecretary at spokesman Jonathan Malaya.

“For example po, sa Zamboanga, dati GCQ (general community quarantine) sila. Ngunit noong nag-request ang city government na gawing ECQ, nakinig naman po ang IATF. Ganun din sa Albay, dati dinowngrade na sila sa GCQ but they requested for an extension. Pinagbigyan naman po,” sabi ni Usec. Malaya.

Imahe mula sa PCOO

Ang magiging desisyon ng IATF hinggil sa rekomendasyon ng MMC ay depende umano sa mga makakalap na datos sa pamamagitan ng technical working group on data analytics na magsasagawa ng pag-aaral.

“Dito sa Metro Manila, depende ‘yan sa datos na makakalap ng IATF through the technical working group on data analytics kasi pinag-aaralan po talaga ang sitwasyon,” paliwanag ni Malaya.

Posible umanong magkaroon ng pinal na desisyon kung palalawigin pa o hindi na ang ECQ sa Metro Manila sa May 13 o May 14.

Imahe mula kay Mayor Francis Zamora