Printing shop na namemeke ng IATF ID sa Recto sinalakay ng MPD

  • Sinalakay ng MPD operatives ang isang printing shop na namemeke ng IATF-DTI ID sa Recto Avenue sa Maynila
  • Pitong indibidwal ang naaktuhan sa ginagawang pamemeke
  • Ang bawat fake IATF ID ay ibinebenta umano sa halagang P350

Pitong indibidwal mula sa isang printing shop sa Recto Avenue, Sampaloc District sa Maynila ang dinakip ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) matapos maaktuhang gumagawa ng mga pekeng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ID para sa Department of Trade and Industry (DTI).

Screenshot mula sa Manila Times video

Ang tunay na IATF ID ay mayroong unique quick response (QR) codes na para lang sa taong inisyuhan nito. Ang mga nasamsam na pekeng IATF-DTI ID ay may pare-parehong QR codes.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel John Guiagui, station commander ng MPD Station 4 sa Sampaloc, bago ikinasa ang operasyon ay may nahuli silang isang motorista na gumamit ng pekeng IATF ID upang makadaan sa checkpoint. Umamin umano ito na ipinagawa ang ID sa Recto.

“I-minatch natin ‘yung ID niya, hindi nagtutugma at aminado siya na ito ay gawang Recto,” sabi ni P/Lt. Col. John Guiagui.

Itinuro umano ng nahuling motorista ang printing shop na namemeke ng mga dokumento. Ayon pa sa nakalap na impormasyon ng MPD, ang bawat pekeng IATF ID ay ibinebenta sa halagang P350.

Nakababahala umano ang natuklasang pamemeke dahil sa halagang P350 lang ay nababalewala umano ang ipinatutupad na quarantine protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa Manila PIO

Sinabi ni MPD chief Brigadier General Rolando Miranda na kung hindi susuriing maigi ng mga nagmamando sa checkpoints ang pekeng IATF ID ay mapagkakamalan itong tunay.

Bukod sa limampung fake IATF IDs para sa iba’t ibang customers mula pa sa malalayong lugar gaya ng Laguna at Cavite, nasamsam din sa operasyon ang iba pang mga pekeng IDs para sa PWDs, Postal, driver’s license at passport.

Screenshot mula sa Manila Times video