PH Red Cross kayang magsagawa ng 8,000 COVID tests kada araw, pero kakaunti ang swab samples na dumarating

  • PH Red Cross kayang magsagawa ng 8,000 COVID-19 tests kada araw, pero kulang ang dumarating na swab samples
  • Hindi nagagamit ang full potential ng walong polymerase chain reaction machines na kayang magsagawa ng testing bente kwatro oras araw-araw
  • Ang average na nagagawa ng mga laboratory ng PRC ay 1,000 tests lang kada araw

Sa kabila ng  pagkakaroon ng mga makina na kayang magproseso ng hanggang 8,000 COVID-18 tests kada araw ay hindi pa rin makapagsagawa ng maramihang testing ang Philippine Red Cross dahil kakaunti lang ang dumarating na swab samples sa kanila.

Imahe mula sa Philippine Red Cross

Sinabi ni Senator Richard Gordon, ang chairman ng PH Red Cross, hindi nagagamit ang full potential ng walo nilang polymerase chain reaction machines na kayang magsagawa ng testing bente kwatro oras araw-araw.

May plano pa ang PRC na magbukas ng dalawampu pang laboratory sa iba’t ibang panig ng bansa upang mapabilis ang mass testing.

“It is a pity that we are going as fast as we can to conduct mass testing but we are not going anywhere. We have to be fast because the testing is the key. We have to ensure victory over the virus,” sabi ni Senator Gordon.

Aniya, ang average na nagagawa ng mga laboratory ng PRC ay 1,000 tests lang kada araw.

“Umaandar ang mga makina pero kulang ang pinapadala (samples), kailangan namin maghintay kasi dapat 90 samples bawat makina ang ipoproseso,” aniya.

Umapela siya sa mga local government units na ayusin ang sistema ng pagpapadala ng mga swab samples sa PRC upang mapabilis ang testing.

Imahe mula sa Philippine Red Cross

Nananawagan din ang senador ng isang “systematic mass testing” upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Mungkahi niya, maaaring magamit ang malalaking establisimyento kagaya ng Araneta Coliseum kung saan maaaring masunod ang social distancing habang nagsagawa ng mass swabbing.

“The people can be seated on the bleachers, with people seated on the lower bleachers swabbed first, once they were done, people next in line can come down,” suhestyon ni Gordon.