Pamahalaan ipinagbawal ang sale at free wifi sa malls sa ilalim ng GCQ

  • Wala munang free wifi at sale sa mga malls
  • Ito’y upang maiwasan ang pagdagsa ng maraming mamimili na siyang maaaring magpakalat ng COVID-19
  • Itataas din ang temperatura sa loob ng malls para hindi komportable ang mga nais tumambay

Upang maiwasan ang pagdagsa ng maraming mamimili na siyang maaaring magpalala sa pagkalat ng COVID-19, naglabas ang pamahalaan ng mga panuntunang susundin sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Image by Harry Roque via Facebook

Kabilang sa mga panuntunang inilatag ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) para sa mga mall operators ang pagbabawal sa pagsasagawa ng sale at pag-off sa libreng wifi.

Batay sa PIA, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na itataas din ang temperatura sa loob ng mga mall para maging less comfortable sa mga nais tumambay rito.

Aniya, “There should be no free wifi in malls. ‘Pag malamig at may wifi, marami ang tatambay.”

Nasabi rin ni Roque na lilimitahan ang bilang ng mga taong maaaring pumasok sa mga malls at maging ang pagpapanatili ng distansya ng mga tao ay ipatutupad rin.

Maging sa paggamit ng escalator ay dapat mabantayan. Kalahati naman ng orihinal na kapasidad ang maaaring gumamit ng elevator.

Dagdag nito, isang tao lamang ang maaaring sumama sa mga senior citizens, pregnant woment and persons with disabilities.

Nabanggit naman sa Inquirer na lilimitahan ang bubuksang pintuan ng mga mall, babawasan ang mga silyang maaaring gamitin habang naghihintay, gagawa ng one-way-flow para sa mas mabilis na paggalaw ng tao at magkakaroon ng mga pulis sa lugar.

Maliban dito, maaaring magpatupad ng iba pang hakbang ang mga mall operators kung kinakailangan kagaya ng paglalagay ng express lanes.

Imahe mula sa PCOO

Sa kasalukuyan, piling tindahan lamang ang magbubukas sa mga mall katulad ng mga may kinalaman sa pagkain, gamot, bangko, hardware at laundry.

Nasa GCQ ngayon ang maraming lugar sa bansa maliban na lamang sa mga lugar na kabilang sa high risk sa COVID-19 na binanggit ni Pres. Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa Robinsons Malls