Nostalgia: Famous liver spread “Reno”, pinatakam ka rin ba?

  • Balik tanaw sa kilalang palaman sa tinapay na “Reno”
  • Ibinida ng isang netizen na 62-anyos o mahigit anim na dekada na ang produktong ito
  • Hanggang ngayon ay mabenta pa rin ang produktong nakasanayan na ng mga tao bilang palaman o rekado sa putahe ng ulam

Sa mga Pinoy, kung alin ang sikat na brand, yun ang general na tawag sa mga bagay na kagaya ng item na tinutukoy nila. Halimbawa: Pampers, pero ang ibig talagang sabihin ay diaper; Colgate, ngunit ang nais namang tukuyin  ay toothpaste at idagdag na rin diyan ang liver spread na mas kilala ng marami bilang Reno. Kaya kapag inutusan ka, linawin mong mabuti ang ipinabibili sa ‘yo para hindi ka mapakamot ng ulo pag-uwi mo sa bahay pagkat mali ang nabili mo.

Pero bakit nga ba ganoon? Bakit ang brand at hindi ang general term ang natatandaan nila?

Marahil, ito ay dahil ang kasikatan ng produkto noong panahon nila ang tumatak sa isip ng mga tao na naipasa na rin naman sa kasalukuyang henerasyon.

Imahe mula sa Freepik

Isa na nga sa mga sikat na sikat ay ang Reno na ipinakilala sa publiko noong 1958. Muling nagmuni-muni ang marami nang ibida ito ni Aurelia Dejan sa kanyang post sa Facebook page na Pilipinas Noon.

Sa kanyang post ay ibinahagi niya ang edad ng Reno liver spread na ayon sa kanya ay 62 years old na. Sinubukan daw niyang i-Google kung sino ba si Reno pero hindi niya ito makita.

“Aba, 62 years old na pala si RENO! Hindi ko makita sa Google kung sino ba si RENO…Kung ipinangalan ang mga patis na RUFINA (1900) kay Rufina Salao de Lucas, isang fish dealer, at ang TENTAY (1949) ay kay Ruperta D. Javier, enterprising housewife; ang MAX’s (1945) ay kay Maximo Gimenez, Stanford-educated teacher; ang MAMA SITA’s (1980) ay kay Teresita R. Reyes (from the lineage of the owners of Aristocrat Restaurants), kanino naman kaya ipinangalan ang RENO (1958) na brand ng liver spread?

Naging bahagi rin ba ang palamang ito ng iyong kabataan?”

Imahe mula sa Facebook | Aurelia Dejan

Kung titingnan ang packaging ng Reno ay talaga namang napakatipid ng impormasyon na makikita dito sapagkat nakatuon lamang ito sa mga ingredients ng naturang liver spread. Karamihan sa mga nagkomento sa post ay sinasabing mula sa Malabon ang nagmamay-ari sa kompanya ng Reno. Samantalang ang iba naman ay kanya-kanya ng teyorya kung paano nabuo ang pangalan na Reno at kung sino ang talagang nagmamay-ari nito.

Narito ang ilan pa sa mga comments tungkol sa Reno liverspread:

Napakakuripot ng maker nyan, ni minsan ‘di nagpa-advertise sa tv or radio. I wonder pano sila tumagal.’

Imahe mula sa Facebook | Aurelia Dejan

Name po yan ng nanay at tatay niya.. Remedios at Nonito, ayun na, kaya Reno.’

‘Yes, sarap papakin nyan. Sarap palaman sa pandesal o tinapay, wow!!’

Ginagamit din itong pang-rekado sa ilang ulam ng mga Pilipino.

Kayo? Kilala n’yo ba kung sino si Reno o paano nabuo ang pangalang Reno? O marahil ay misteryo pa rin sa iyo ang tungkol sa pinagmulan ng liver spread na ito? Pero sino pa man si Reno o paano pa man nabuo ang pangalan nito, isa lamang ang talagang sigurado; ito ay kung paanong binigyang kulay ng liver spread na ito ang alaala ng kabataan at ng panlasang Pilipino.