Nostalgia ang hatid: Naranasan n’yo rin bang makipanood ng TV sa kapitbahay?

  • Naghatid ng nostalgia ang mga larawan na nagpapakita ng pakikipanood sa telebisyon ng kapitbahay noon
  • Umani ng likes ang  mga post kaugnay sa masaya at magulong pakikinood sa telebisyon noong araw
  • Nagbahagi ang maraming netizens ng kanilang karanasan sa pakikinood ng TV noon

Naranasan n’yo rin bang makipanood ng TV sa kapitbahay?

“Relate much!” ang sagot ng karamihan sa tanong na ito.

Ayun! Ang daming naka-relate sa mga larawang ito na ibinahagi sa social media ng ilang FB pages. Marami tuloy napa-throwback. hahaha

Kasi naman noong araw iilan lamang ang may telebisyon. Isa ito sa mga pananda noon na medyo may kaya ang pamilya kapag mayroon silang telebisyon. Lalo na nung may colored TV na…wow! Mas lalo kang sikat.

Image via Alvino Perez | Facebook

Naaalala ko pa noon…sabi ng isa kong kalaro, “Uy, ang yaman nila Raffy, colored ang TV nila!”

“Ay, mas mayaman sina Ladeth kasi mas malaki ang colored TV nila kesa kina Raffy,” sagot naman ni Glenda na kalaro rin namin.

Sabat naman ng isa pa naming kalaro, “Eh ano naman kung colored ang TV nila? Hindi naman tayo nakakapanood sa kanila. Mabuti pa kina Joy, kahit black and white. nakakanood tayo.” Biglang baling sa akin, “Huyyyy, panood ulit mamaya ha, sana ipalabas ulit ‘yung ke Dolphy na Captain Barbell…” [PS huwag na pong hulaan ang aking edad, hahaha]

Apartment ang tinitirhan namin noon, walang bakuran, kaya madaling makinood sa amin noon. Hindi man namin naranasan ang makipanood dahil nakamulatan na naming may telebisyon ang mga magulang namin (hindi po kami mayaman), ramdam ko naman ‘yung kasiyahan ng mga nakikinood kaya hindi ko sila pinaaalis noon o pinagsasarhan ng pinto o ng telebisyon.

Hangga’t may bendisyon ng aming magulang kung kailan kami puwedeng manood, sama-sama kaming nanonood ng aking mga kalarong walang telebisyon sa kanilang bahay.

Sa totoo lang, masayang-masaya ako noon na kasabay kong nanonood ang aming mga kalaro. Parang nakakatamad nang manood mag-isa, hahaha Mas masarap kasing marami kaming nagtatawanan sa mga pakwela nila Dolphy, Panchito, Gloria Romero at iba pa sa mga pelikula noon ng Sampaguita Pictures.

Image via Ang Buhay Magsasaka Pag May Tyaga Ay May Biyaya | Facebook

Pagbabahagi ng ilan: “Ay grabe experience namin sa pakikipanood ng tv. Andung io-off ang tv kasi ‘di ka maitaboy, tapos ila-lock ‘yung pinto nila para ‘di ka na makapasok. Nung magkaroon kami ng tv, laging puno ang bahay namin, ‘di kasi ugali nila nanay ‘yung itigil ang tv pag may nakikipanood, tapos hangga’t di tapos ang pelikula kahit hapunan na di ka puwede kumain kasi nakakahiya naman hindi ka mag-aalok, haha e kung hindi tumanggi?”

“‘Yung iba may baong kropek, butong pakwan, growers, kornik, pag-uwi nila dami kalat na wawalisin. Ganun kami dati. De pihit pa ang television, pag nabali ‘yung pihitan, plais ang panglipat ng channel!”

“Yes naman!! umaakyat pa nga ako sa puno ng mangga para makapanuod ng tv sa kapitbhay…..hahaha”

“Oo naman masakit sa loob na masungit ‘yung may ari ng tv kasi bata nga e di syempre amoy pawis ka, sabihin ng may-ari ang babaho n’yo, sabay off ng tv…”

Masaklap naman ang naalala ng isa: “Yes, tapos yung tsinelas mo, itatago nila, pagkatapos mong manood wala ka nang tsinelas…”

Image via Facebook | Memories of Old Manila & Beyond

Nakatatawang comment naman tayo. “Naalala ko tuloy… pinaalis kami tapos sa bintana na nga lang nakinood pinagsarhan pa kami at pati sa liit ng butas din pinagtakpan ng towel hahai memories2x.”

May bayad daw, sabi naman ng ilang kababayan natin, hahaha

“Oo naranasan namin nun tatawid pa kami medyo malayo sa amin, tas pinapabayad pa kami ng tig dadalawang kahoy bawat tao nun…”  [Ano yun? panggatong nung me ari sa TV? hahaha Malamang, pangkusina nila, may kalang de kahoy kasi noong araw]

“Hindi lang naranasan, pinagbabayad pa kami noon ng 5 centavo. grabe ‘di pa colored. hahaha ngayon lahat ng sulok sa bahay may tv na…”

Sa isang netizen, kakaiba naman ang bayaran: “Super relate me dito…nagbabayad pa kami ng 5 palito ng posporo para makaupo sa sahig nila sa panonood ng tv…”

Medyo malupit naman ang naranasan nito: “Oo, naranasan ko pinapalàyas pa ako at kinukurot pa ako…”

Hindi rin daw makalilimutan ni Connie ang isang karanasan niya: “Oo naku, mars, tanda ko pa nanunuod ako silip sa tv ng barangay namin, inuntog ako ng lukaret na babae nanunuod din pala siya. hay sakit ng ulo ko. ‘La me nagawa kundi umuwi.”

Marami pang nakatutuwang paglalahad ng karanasan, pero ang suma total, marami ang nangarap na magkaroon ng sariling TV kaya nagsikap na umangat sa buhay.

“Oo nga, nakakalungkot isipin nang nakikipanuod lang tayo. Pero okey lang yun, sigurado, lahat tayo ay may sariling tv na. Ngayon flatscreen na at colored pa.”

Simple lang naman ang mensahe ko sa pagsulat nitong blog na ito. Na ang ating pinagdaanan, kadalasan, ang siyang PUSH natin para magsikap sa buhay, ‘di ba? Lalo na para sa ating mga anak, sa mga mahal natin sa buhay. Gusto nating maranasan nila ang mas maalwan na buhay.

Mas masarap pa nga ‘yung alam mong galing ka sa ibaba at nagsikap umangat sa buhay. Lasang-lasa mo ang sarap ng pag-unlad… mga kasiyahang hindi siguro naranasan ng mga ipinanganak nang may-kaya.

Ang mahalaga, mula sa mga naranasan natin ay ‘yung natuto tayong maging mas mabuting tao, mas mabuting magulang, kapatid, anak at kaibigan.

O tara nang manood ng teleserye!  Libre! hahaha