Modern Jeepney inilunsad sa isang bayan sa Cavite

  • Inilunsad sa bayan ng Silang, Cavite ang kauna-unahang modern jeep sa lugar
  • 23 units ang inaasahang papasada sa lugar na inianunsyo naman ng kanilang Vice Mayor
  • Ang modern jeep na ito ay sinasabing mas komportable dahil sa mas malawak na espasyo sa loob, at higit sa lahat ay environment-friendly din ito

Isang bayan sa lalawigan ng Cavite ang naglunsad ng kauna-unahang modern jeepney sa kanilang lugar. Ito ay sa bayan ng Silang na sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng GCQ o general community quarantine. Ito ay opisyal na inianunsyo ng kanilang Vice Mayor  sa kanyang Facebook page.

Imahe mula sa Facebook| Aidel Paul G. Belamide

Ayon sa post ni Vice Mayor Aidel Paul G. Belamide noong May 20 ng taong kasalukuyan ay dalawampu’t tatlong bago at modernong jeep ang papasada mula Silang hanggang Imus. Ngunit ipinaalala din niya sa kanyang post na ang mga pasahero na walang valid pass o ID at walang suot na mask ay hindi papayagang sumakay sa modern jeep.

Ang panuntunang ito ay bilang tugon sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya.

Ipinahayag din niya ang kanyang pagbati sa naging daan upang mailunsad ang bagong transportasyon sa kanilang lugar, “Congratulations, G. Sulpicio Arellano at sa Silang Transport and Development Cooperative!”

Sinasabing ang modern jeepney ay mas makapagbibigay ng komportableng biyahe sa mga pasahero sapagkat ito ay mas maluwag at mayroong aircon na bagay na bagay lalo na sa mainit na panahon. Ayon sa isang artikulo mula sa website ng LTFRB ay mas environment-friendly daw ito at mas convenient lalo na sa mga may kapansanan o miyembro ng PWD.

Imahe mula sa Facebook| Aidel Paul G. Belamide

Matatandaan na noong June 2017 ay inilabas ng Department of Transportation ang Department Order No. 2017-011 kung saan ay isinasaad ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon na naglalayong makapagbigay ng matatag, sapat at marangal na kabuhayan sa mga operators at drivers habang ang mga commuters naman ay nabibigyan ng ligtas at komportableng biyahe.