MMDA handang ipatupad ang mga bagong guidelines sakaling ilagay sa GCQ ang Metro Manila

  • MMDA, handa nang magpatupad ng mga bagong guidelines kapag nailagay na sa GCQ ang Metro Manila
  • Hinihintay na lang ng MMDA ang mga bagong panuntunan na ilalabas ng IATF at DOTr
  • Sinabi ni Sec. Carlito Galvez na maaaring magdeklara ng modified ECQ sa Metro Manila kapag naisailalim na sa mass testing ang buong Kamaynilaan

Anumang oras ay nakahanda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpatupad ng mga bagong guidelines sakaling mapagdesisyunan na alisin na ang Metro manila sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at ilagay na sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Screenshot mula sa PTV video

Ang ipinatutupad na ECQ sa Metro Manila at sa ilan pang bahagi ng bansa ay matatapos sa ika-15 ng Mayo. Sa ngayon ay hindi pa masabi ng pamahalaan kung maaari nang magdeklara ng GCQ sa Metro Manila makalipas ng itinakdang petsa.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago na hinihintay na lang ng ahensya ang bagong panuntunan na ilalabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa papayagang kapasidad ng pampubliko at pribadong mga sasakyan.

“Handa po ang MMDA na ipataw ang parusa base sa magiging guidelines na ilalabas once na ma-shift sa GCQ ang Metro Manila on May15. Ready na rin po ang ating mga enforcers na mag-implement po ng polisiya once po na tayo ay nasa ilalim na sa GCQ,” pahayag ni Pialago.

Kaugnay nito, sinabi ni Secretary Carlito Galvez, ang National Task Force against COVID-19 chief implementer, na posibleng magpatupad ng modified ECQ sa Metro Manila kapag naipatupad na ang mass testing sa buong Kamaynilaan.

Imahe mula sa OPAPP

Aniya, sa sandaling ma-identify na ang mga carriers ng COVID-19 at na-isolate na sila ay magbibigay ng rekomendasyon ang IATF kay Pangulong Rodrigo Duterte upang magpa-iral ng selective ECQ sa Metro Manila at isailalim naman sa GCQ ang mga lugar kung saan kontrolado na ang pagkalat ng coronavirus.