Mga pasahero dapat maglaan ng 2-3 oras sa pagsakay ng MRT kapag inalis na ang ECQ sa Metro Manila

  • Inaasahan ang mahabang pila sa MRT kapag muling nag-operate sa sandaling alisin na ang ECQ
  • Mahigpit ang mga security measures na ipatutupad bago pasakayin ang mga pasahero
  • Dapat maglaan ang mga pasahero ng dalawa hanggang tatlong oras sa kanilang biyahe dahil sa bagong sistemang ipatutupad

Inaasahang ibabalik ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) sa oras na inalis na ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at ipatupad ang mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Imahe mula sa MRT Philippines

Sa ilalim ng GCQ, bagama’t papayagan na ang operasyon ng piling public mass transportation ay lilimitahan ang pasaherong maaaring sumakay upang masunod pa rin ang social distancing sa layuning maiwasan ang posibilidad na muling lumaganap ang coronavirus.

Ang MRT-3 ay magsasakay lang ng 51 pasahero sa bawat bagon ng tren o 153 passengers sa isang train unit na may tatlong bagon. Ito ay upang mapanatili ang social distancing. Katumbas lang ito ng 13% ng total passenger capacity ng MRT train kada biyahe.

Magtatalaga ng mga train mashalls sa bawat bagon na titiyak na masusunod ang ligtas na distansya ng mga pasahero sa bawat isa.

Ayon sa pamunuan ng MRT, sa oras na muli silang mag-operate ay tiyak na mahaba ang pila ng mga tao na nagnanais sumakay ng tren kaya ang payo nila ay maglaan ang mga pasahero ng mula dalawa hanggang tatlong oras sa kanilang biyahe dahil sa bagong sistemang ipatutupad.

Imahe mula sa DOTr-MRT3

Ang inaasahang mahabang pila ay dahil mahigpit na ipatutupad ang mga security measures bago makapasok sa istasyon ng tren. Tatlong tao lang ang maaaring pumila sa pagbili ng ticket at anim na tao lang ang puwedeng pumila sa turnstile.

Maghihigpit din ang MRT sa pagpapasakay ng mga pasahero. Hindi pasasakayin ang mga pasaherong walang suot na face mask, mga pasaherong may temperature na 37.8 degree centigrade o mas mataas, senior citizens, mga indibidwal na may edad 0-20 at ang mga buntis dahil mas madali silang kapitan ng COVID-19.

Imahe mula sa DOTr-MRT3