Malaki ang tsansa na payagan na ang dine-in services sa mga restaurant sa GCQ areas – DTI

  • Dine-in services sa restaurants sa GCQ areas pinag-iisipan ng DTI kung papayagan
  • Malaki ang nawawalang income ng mga restaurants dahil 70% ng kinikita ay galing sa dine-in services
  • Kung makukumbinsi ang DTI na ligtas ang dine-in sa mga food service establishments ay papayagan nila ito

Tinitingnan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang posibilidad na payagan ang mga restaurant at iba pang food service establishments na muling mabuksan ang kanilang dine-in services sa mga lugar na nasa ilalim ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Imahe mula sa Presto

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, ay malaki ang posibilidad na payagan na ang dine-in services ng mga restaurants.

“There’s a good chance na ma-include ang dine-in, we just have to review the minimum health protocols,” pahayag ni Sec. Lopez sa virtual hearing ng Senate Committee of the Whole noong Huwebes, ika-21 ng Mayo.

Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng mungkahi ni Senator Cynthia Villar sa DTI na payagan ang dine-in services upang sagipin ang mga food businesses sa bingit ng pagkalugi. Pakiusap niya, sana ay payagan ito kahit 50% capacity lang.

“You know, 95% of our business are small and micro and 50% of small and micro are in food. So ‘pag hindi po binuksan ang mga seat-in magde-declare silang lahat ng bankruptcy. I just want to inform you na malaki ang problema ng mga restaurant,” sabi ni Sen. Villar.

Sabi ni Sec. Lopez, bibisita sa mga restaurants upang mapag-aralan kung maipatutupad ang minimum health protocols tulad ng social distancing. At kung makukumbinsi sila na magiging ligtas ang dine-in ay tiyak na papayagan nila ito.

Imahe mula sa The Star

“Ganito po ang situation, under GCQ ngayon po pinag-aaralan ang pag-include ng dine-in. Sa Sabado po we are visiting some fast foods, general na tipo ng restaurant. ‘Pag tayo ay nakumbinisi na safe po kumain at mai-implement ang minimum health protocols. We shall allow, of course, we will propose the opening of dine-in. Tama po ‘yung sabi ninyo na kahit 50% kasi for them to have social distancing,” sabi ni Sec. Lopez.

Sa kasalukuyan ay malaki ang income na nawawala sa mga restaurants dahil 70% ng kita nila ay galing sa dine-in services na sa ngayon ay hindi pa pinapayagan.