Lalaking ‘nagbanta’ kay Angel Locsin, Kim Chiu at Coco Martin sumuko sa NBI

  • Lalaking nagbanta umano kay Angel Locsin , Kim Chiu at Coco Martin sumuko sa NBI
  • Ipinaliwanag ng lalaki na hindi siya ang nag-post ng pananakot sa mga Kapamilya stars
  • Sabi ng lalaki, wala siyang Twitter account

Sumuko sa National Bureau of Immigration ang lalaking diumano ay nag-post sa Twitter ng pagbabanta kay Angel Locsin at sa dalawa pang Kapamilya celebrities na sina Kim Chiu at Coco Martin.

Imahe mula sa ANC

Ang lalaki na nakilalang si Nhiel Jhon Abellanosa ay kusang nagtungo sa NBI Southern Mindanao nitong Biyernes, ika-22 ng Mayo, upang magpaliwanag sa naturang Twitter post kung saan nag-alok umano siya ng halagang P200 million kapalit ng buhay ng mga nabanggit na celebrities.

Bukod sa pananakot kay Angel Locsin, Kim Chiu at Coco Martin, sinabi rin sa post na pasasabugin nito ang ABS-CBN.

Isa umanong driver si Abellanosa sa Island Garden City ng Samal, Davao Del Norte.

Paliwanag niya, hindi siya ang taong nag-post ng pagbabanta sa Twitter. Aniya, wala siyang Twitter account. Isinuko rin ni Abellanosa ang cellphone niya upang malaya itong ma-imbestigahan ng NBI.

Ang twitter account na nakapangalan kay Abellanosa ay deactivated na.

Bago pa sumuko si Abellanosa ay nagpasalamat na si Angel Locsin sa NBI sa pagtugon sa kanyang panawagan hinggil sa pagbabanta. Sinabi ng aktres na sa ngayon ay wala siyang balak na gumawa ng legal na aksyon laban kay Abellanosa, subalit kapag umulit daw ito ay hindi na niya ito aatrasan.

Screenshot ng banta kay Angel Locsin

“Thank you NBI for reaching out. For, now, ipag-pray ko muna ‘tong taong ‘to. Ayoko silang pahirapan pa sa hirap ng buhay ngayon sa kung anong pwede kong ikaso sa kanila. “pag umulit, hindi ko sila aatrasan,” anang aktres sa pagtugon ng NBI sa panawagan niya.

Ayon sa NBI, sineseryoso nila ang anumang banta kaninuman. Sabi ng ahensya, kung sa palagay ni Angel Locsin at iba pang celebrities ay seryoso ang pagbabanta, karapatan nilang humingi ng tulong sa NBI upang matugunan ito.

mahe mula sa Instagram account ni Angel Locsin