House-to-house mobile graduation sa Cagayan, naisagawa habang sumusunod sa health protocols

  • House-to-house mobile graduation, isinagawa sa Camalaniugan, Cagayan
  • Personal na pinuntahan ng mga guro ang mga estudyante para maibigay ang kanilang sertipikasyon
  • Nasunod ang proper health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing

Inakala mo bang wala nang ibang paraan maliban sa virtual graduation para makapagtapos ang mga mag-aaral dahil sa ipinapatupad na quarantine? Meron pa! Ito ang house-to-house mobile graduation na isinagawa ng isang paaralan sa Cagayan.

Image by SK Sapping via Facebook

Ibinahagi ng SK Sapping sa Facebook na nagawan ng paraan ng Camalaniugan Central School na makapagtapos ang kanilang mga graduating student sat pormal na natanggap ang kanilang karampatang diploma, sertipikasyon at mga medalya.

Gamit ang isang trak na ginawang entablado, pinuntahan ng mga guro ang mga tahanan ng mga magsisipagtapos para maipadama sa mga ito ang bunga ng pagsisikap bilang mag-aaral.

Nabanggit din na nasunod ang proper health protocols kagaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing habang isinasagawa ang seremonya, maliban na lamang sa mag-anak na pinayagang magdikit dahil sa iisang bubong lamang sila nakatira.

Bahagi ng post, “Kasama ang kanilang mga nanay o tatay, tuwang-tuwa ang mga ito sapagkat tayo man ay nasa ganitong sitwasyon, nagbunga rin ang kanilang pagsisikap sa loob ng anim na taon.”

Samantala, pinasalamatan ng mga magsisipagtapos ang mga guro sa pangunguna ni Ma’am Clarita Salvador at Alkalde Angelica Cabaddu Dela Cruz.

“May you continue learning in different ways, where ever you are and whatever situation we may go through. Mabuhay kayo!” paalala naman ng SK Sapping sa mga graduates.

Matatandaang nagkaroon din ng kahalintulad na pagtatapos na isinagawa ang Cauayan East Central School na agarang nag-trending online.

Image by Marvin Tuquib Alicaycay via Facebook

Dahil sa ipinatutupad na quarantine bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic, ipinagbabawal ang mass gathering sa bansa kaya’t nakatutuwa pa ring makita ang patuloy na pagsisikap ng ilang guro na mabigyan ng pormal na pagtatapos ang kanilang naging estudyante.

Bumuhos naman ang papuri at pagsaludo rito. Sabi ng isa, “Kahit simple at least may moment ang mga graduates na umakyat ng stage.”

Image by SK Sapping via Facebook