Honest Lalamove rider na nagsauli ng P130,000 pinuri ni Maritoni Fernandez

  • Pinuri ni Maritoni Fernandez ang isang Lalamove delivery rider dahil sa katapatan nito
  • Isinauli ng rider ang envelop na naglalaman ng P130,000 sa halip na dokumentong ipinade-deliver ng customer
  • Ibinida ni Maritoni sa social media account niya ang katapatan ng delivery rider

Pinuri ng aktres at negosyanteng si Maritoni Fernandez ang isang delivery rider ng Lalamove dahil sa ipinakita nitong katapatan. Tinawag pa niyang isang anghel ang rider dahil sa magandang katangian na ipinamalas nito.

Imahe mula sa Instagram account ni Maritoni Fernandez

Kinilala ni Maritoni ang magiting na Lalamove delivery rider na si Jerome Gulang na hindi nasilaw sa salapi at isinauli ang P130,000 cash na maling naibigay ng customer na kapitbahay ng aktres sa Quezon City.

Kasama ng papuri, ipinost pa ng aktres sa kanyang Instagram account ang larawan ni Jerome Gulang.

“Shout out to our neighbors Lalamove driver who was so honest today,” sabi ni Maritoni.

Ayon sa aktres, nagpa-deliver ng dokumento ang kapitbahay niyang hindi niya pinangalanan, subalit mali ang envelop na naiabot nito sa delivery rider.  Ito nga ang envelop na naglalaman ng malaking halaga ng pera. Medyo “dazed” daw kasi ang kapitbahay kaya ito nagkamali ng iniabot na envelop.

“She was a little dazed when she gave the wrong envelope to him this morning. P130k in cash to be exact,” sabi pa ng aktres.

Screenshot ng Instagram post ni Maritoni Fernandez

Nasa Cubao, Quezon City na raw si Jerome Gulang nang malaman niyang hindi dokumento ang laman ng envelop na ibinigay sa kanya ng customer kundi isang bungkos na pera. Hindi naman nagdawalang-isip ang honest Lalamove delivery rider at agad na bumalik sa bahay ng customer upang sabihin ang pagkakamali nito.

“Jerome Gulang was already in Cubao when he realized she had given him the money instead of the package he was supposed to be delivering and went all the way back,” kuwento ni Maritoni.

Imahe mula sa Instagram account ni Maritoni Fernandez

Kaya naman humanga ang aktres kay Jerome Gulang at tinawag pa niya itong isang anghel.

“You are an angel and the Lord Jesus will bless your honest heart, Jerome,” aniya.

Source :

Instagram, PEP