GCQ sa buong Pilipinas posible na sa Agosto

  • Pinalutang ni Presidential Spokesman Harry Roque ang ideya na posileng ilagay sa GCQ ang buong Pilipinas sa Agosto
  • Sinabi ni Roque na umaasa siyang nasa GCQ na ang buong bansa kasabay ng pagbubukas ng mga paaralan sa August 24
  • Tiniyak niya na hindi ilalagay ng pamahalaan sa panganib ang mga estudyante

Pinalutang ng Malacañang noong Huwebes, ika-21, ng Mayo, ang posibilidad na isailalim ang buong bansa sa general community quarantine (GCQ) sa buwan ng Agosto.

Public Domain image

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malamang na pairalin ang GCQ sa buong Pilipinas kung sinusunod ng mga mamamayang Pilipino ang quarantine protocols na ipinatutupad ng pamahalaan upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

“Pero sa ngayon po, for purposes of planning, we’re assuming that with cooperation of everyone, pupwede na po na buong Pilipinas ay mag-GCQ by August,” wika ni Roque.

Binanggit ni Roque ang ideyang ito kasabay ng pagtitiyak na ang bansa ay nanatiling nasa  first wave ng COVID-19 pandemic, taliwas sa naunang pahayag ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na nararanasan na ng bansa ang 2nd wave ng COVID-19  outbreak.

Ani Roque, umaasa siya na ang bansa ay nasa GCQ na kasabay ng pagbubukas ng mga paaralan sa August 24.

“We’re hoping that by August 24, which is the mandated day para mag-simula ang mga public school, ay nasa GCQ na po ang buong Pilipinas,” aniya.

Public Domain image

Tiniyak ni Roque sa na hindi ilalagay ng pamahalaan sa panganib ang mga estudyante sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Hinding-hindi po natin ilalagay sa aberya ang ating mga kabataan. Kung kinakailangan pong huwag buksan dahil mataas pa ang mga kaso o nagkaroon ng second wave, eh siguro po magkakaroon ng ganiyang desisyon,” aniya.

Nangako si Roque na maglalabas ng anunsyo ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sakaling magdesisyon ang pamahalaan na ilagay sa GCQ ang buong kapuluan sa Agosto.

 

Source :

PNA, Bilyonaryo