Facebook katuwang ng DOH sa paglunsad ng anti-COVID chatbot

  • Facebook tinulungan ang DOH sa paglunsad ng anti-COVID chatbot
  • Kaya nitong sagutin ang mga karaniwang katanungan ng mamamayan hinggil sa COVID-19
  • Nakikipag-ugnayan na ang DOH sa telecom companies para magamit ito kahit walang internet data

Gusto mo ba ng bago at tamang impormasyon hinggil sa COVID-19? Mas madali mo nang makukuha ang impormasyong hinahanap.

Image by DOH via website

Katuwang ang Facebook, inilunsad kamakailan ng Department of Health ang isang Kontra-COVID-19 chatbot para lalo pang paigtingin ang pamamahagi ng pinakabago at tamang impormasyon hinggil sa pandemic, ayon sa YugaTech.

Tinawag na KIRA ang chatbot, na ang pangalan ay nangangahulugang Katuwang na Impormasyon sa Responsableng Aksyon.

Makatutulong si KIRA sa pagsagot sa mga katanungan ng mga mamamayan hinggil sa COVID-19, partikular sa mga nasa bahay para mapangalagaan ang mga miyembro ng pamilya.

Kasama rin sa maitutulong nito ang mga kaalaman sa pagpapanatiling masigla ang katawan at self-check tool para malaman kung ang isang tao ay may risk sa COVID-19.

Pagbabahagi ng DOH sa website nito, maaaring makausap ang chatbot sa pamamagitan ng Facebook Messenger Chat (DOH Facebook page), Viber (DOH Viber Community) at KONTRACOVID PH WEBAPP (kontracovid.ph).

“Nandito na si KIRA para sagutin ang inyong mga katanungan tungkol sa COVID-19. Sa tulong ni KIRA, tayong mga #Homeliners naman ang mag-aalaga sa ating kapwa!”

Batay sa GMA News, sinabi ni Head of Public Policy in the Philippines Clare Amador na naisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng Messenger Development Partnership.

Ito rin ang tumulong sa iba pang health organizations at UN health agencies sa pamamagitan ng developers nito para mapahusay ang paggamit sa FB Messenger app.

Libre ang tulong na ibinahagi ng mga developers sa mga health agencies.

Image by DOH via website

Sa kasalukuyan ay nangangailangan ng internet connection para ma-access ang bot ngunit nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga telecom companies para magamit ito kahit walang internet data.

Maliban sa Facebook, katuwang din sa paggawa ng bot ang Google, Senti, Aiah, A14GOV, Plan Internation, United Nations Development Program, at Rakuten.

Image by DOH via website