Entabladong hila-hila ng kalabaw, ginamit sa moving-up ceremony ng Grade 10 students

  • Entabladong hila-hila ng kalabaw, ginamit sa moving up ceremony ng isang paaralan sa Cagayan
  • Isinagawa naman sa ilalim ng puno ng mangga ang pormal na programa ng pagtatapos
  • Pinuri ng mga social media users ang diskarte at pagkamalikhain ng paaralan

Naging kakaiba at hindi makalilimutan ang isinagawang moving-up ceremony ng mga Grade 10 students ng Camalaniugan National High School — Catotoran Annex (CNHS) sa Cagayan nitong March 28.

Image by Isidro Cabaddu via Facebook

Gumamit kasi ang paaralan ng improvised stage na hila-hila ng kalabaw.

Makikita sa larawang ibinahagi ni Vice Mayor Isidro Cabaddu sa Facebook ang larawan ng mga ipinaradang mga estudyante na nakasuot ng mga medalya, at marahil sila ang mga nanguna sa klase.

Nasa larawan din ang bise alkalde na nakasakay sa kalabaw na siyang humihila sa entablado.

Samantala, ang pormal na programa ay isinagawa sa ilalim ng puno ng mangga.

Kapsyon ni Cabaddu sa kanyang post ang pagbati sa mga estudyante at kanilang magulang. Nasabi rin nito na ang pagtatapos na naganap sa ilalim ng puno ng mangga ang “most memorable moving-up ceremony” na napuntahan niya.

Dagdag nito, sana’y gamitin ng mga mag-aaral ang mahaba-habang bakasyon para ipagpatuloy at pag-igihin pa ang pag-aaral para sa susunod na pasukan.

Aniya, nakasalalay sa mga kabataan ng henerasyong ito ang kinabukasan ng ating bansa.

“To the proud parents and students, my warm congratulations. Study hard, the future of our country depends on you.”

Dahil dito, binati ng mga social media user ang malikhain at makabuluhang pagtatapos na isinagawa ng CNHS, at marami ang napa-sana all.

Sabi ng isa, “Very nice, very simple but they would be proud to remember soon when they grow old. It’s an honor to show this to their children and grand children. Despite this COVID-19, it’s a job well done.”

Image by Isidro Cabaddu via Facebook

Komento naman ng iba, “Pagbati sa mga estudyante at magulang, continue to aim high for our future.”

Sa mga hindi-pangkaraniwang pagkakataon katulad ng nagaganap sa ngayon, patuloy na lumalabas ang pagkamalikhain at mahusay na diskarte ng mga Pinoy. Kudos po!

Imahe mula sa DepEd