Pagpaparehistro ng lahat ng online sellers pinaplantsa ng DTI

  • Pagpaparehistro sa online sellers, pinag-aaralan ng DTI
  • Dulot nito, mas madali nang malaman ang pagkakakilanlan ng mga tindera
  • Mas madaling masasampahan ng reklamo kung may paglabag sa batas

Marami sa atin ang mas pinipiling bumili online.

Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, nauso ang online selling o ‘yung pagbili ng produkto sa pamamagitan ng paggamit ng mga gadgets sa halip na pumunta mismo sa tindahan. Dito rin lalong dumami ang fake products at false advertising.

Image capture from video by One News PH via YouTube

Marami sa mga nagbebenta online ang hindi rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI) at walang karampatang dokumento para makapagbenta.

Kaya’t pinag-aaralan ngayon ng ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng pagpaparehistro sa lahat ng online sellers sa bansa.

Sabi ni Trade Secretary Ruth Castelo sa ABS-CBN News nitong Miyerkules, “Mayroong ginagawa kami… kung puwede tayong magkaroon ng registry of all online sellers.”

Aniya, wala umanong pagkakaiba ang pagbebenta online o pisikal dahil ang basehan ay nakadepende sa mga produktong ibenebenta at nararapat na magkapareho ang presyo ng produktong online at pisikal.

Nasasaad umano ito sa Consumer Price Act.

Kaugnay dito, mas madali na ring matutunton ang pagkakakilanlan ng mga nagbebenta online kung sakaling may mga kahaharapin silang reklamo.

Nais din ng opisyal na ayusin ang delivery fee na ipinapatupad sa Pilipinas na aniya ay mas mababa kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia.

Marapat na isaalang-alang ang distansya ng biyahe at bigat ng produkto sa pagtatakda ng delivery fee.

Noong nakaraang taon ay nabanggit ni Castelo ang pagbalangkas ng isang e-commerce roadmap na layuning gumawa ng ahensya na siyang tututok sa mga transaksyon online.

Photo from Pexels

Layunin nitong maprotektahan ang mga mamimili at nagbebenta online.

“We always warn them (online stores) against selling fake products. These are the products that are copies and that actually violate intellectual property law, so we discourage that but that is why we really need a law to be able to control all that,” sabi ni Castelo.

Images are logos of Lazada and Shopee