Construction at repair works sa LRT-1 Cavite Extension Project pinayagan ng IATF na magpatuloy

  • Muling ipinagpatuloy ang construction works sa LRT-1 Cavite Extension Project
  • Pinayagan ng IATF ang pagpapatuloy ng proyekto sa gitna ng ECQ
  • Nagpapatupad ng security measures ang LRMC upang mapangalagaan ang kanilang workers sa COVID-19

Muling ipinagpatuloy ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang pagtatrabaho sa Light Rail Transit Line 1 Cavite Extension Project matapos payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases at Department of Transportation na makapagsagawa ng repair at infrastructure works habang umiiral ang enhanced community quarantine.

Imahe mula sa LRMC

Ang nakatakdang test pit works o pag-iinspeksyon sa tulay at mga tubo sa kahabaan ng CAVITEX-Parañaque Bridge ay nagsimula na 7 a.m. ng ika-7 ng Mayo at inaasahang matatapos sa hatinggabi ng ika-22 ng Mayo.

Dahil dito, pansamantalang isasara ang innermost northbound lane ng nasabing tulay upang bigyang-daan ang mga nakatakdang pit works.

Ang mga design works, assembly works at iba  pang piling gawain sa precast yard ng LRMC ay nagpapatuloy na rin  para sa naturang proyekto na mapalawig ang linya ng LRT-1 mula sa Baclaran, Parañaque hanggang sa Bacoor, Cavite.

Ayon sa LRMC, nagpatupad ito ng mga hakbang upang masunod ang alituntunin ng IATF na pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang work site.

Kabilang sa mga naturang hakbang ang pagtatalaga ng skeletal workforce, paglalaan ng matitirahan at point-to-point shuttle service para sa mga workers, regular na pagsasagawa ng regular na disinfection sa workplace, shuttle at tinutuluyan ng mga workers, regular na pag-monitor sa kalusugan ng mga workers at pagmamatyag sa mga sintomas ng COVID-19.

Imahe mula sa LRMC

Mahigpit ding ipinatutupad ng kumpanya ang physical distancing at ang kalinisan.

“Rest assured that we are taking every opportunity during this time to come back better for Filipino commuters. We are taking great efforts to make sure our workers remain safe and healthy by following the proper guidelines and precautions set by the government,” pagtitiyak ni LRMC Chief Operating Officer Enrico Benipayo.

Imahe mula sa LRMC
Source :

LRMC, Tribune