CHED hindi makapagbibigay ng scholarships sa mga new applicants dahil sa problema sa budget

  • Walang bagong scholarships na ibibigay ang CHED dahil sa problema sa budget
  • Ang bahagi ng pondo para sa financial aid sa mga estudyante ay hindi mare-release dahil sa belt-tightening measures ng gobyerno sanhi ng COVID-19 crisis
  • Ang mga kasalukuyang scholars ang mapopondohan gamit ang natitirang budget ng CHED

Ibinunyag ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi ito makapagbibigay ng scholarships sa mga bagong aplikante para sa darating na academic year dahil sa problema sa budget bunsod ng COVID-19 crisis.

Imahe mula sa CHED

Ayon sa CHED commissioner, ang bahagi ng pondo para sa Unified Financial Assistance System for Tertiary Education Act, kung saan nanggagaling ang financial aid para sa mga college students, ay hindi na maire-release sanhi ng “belt-tightening measures ng gobyerno sa gitna ng health crisis.

“’Yung student financial assistance ang tatamaan na pinakamalaki. So, we are giving out a notice that we will not be able to give merit scholarships for this school year,” pahayag ni CHED Commissioner Prospero De Vera sa isang Senate hearing.

Aniya, ang mapopondohan lang gamit ang natitirang budget ay ang mga kasalukuyang scholars.

“Ang mapopondohan namin doon sa natitirang pera ay ‘yung continuing lang kasi kung tatanggap kami ng bago tapos hindi mabibigyan ‘yung continuing, mas kawawa sila,” paliawanag ni Commissioner De Vera.

Sinabi rin niya na inalis ang isang bilyong pondo na nakalaan sana sa reimbursements para sa disabled students at licensure tests ng mga estudyante, at  sa alokasyon para sa miscellaneous expenses ng state universities and colleges.

Imahe mula sa Abante

Nagpahayag din si Commissioner De Vera ng pagkabahala para sa mga maliliit na private higher education institutions sa bansa matapos nailipat sa Agosto ang pagbubukas ng bagong school year.

“Ang financial impact talaga is because the semester will be moved from June to August so there will be no tuition collection, deferred ‘yan hanggang August. ‘Yung maliliit na private schools na maikli ang pisi, ‘yun ang unang tatamaan,” punto ni De Vera.

Imahe mula sa Eagle News

Samantala, tiniyak ng CHED na ang mga college students na umaasa sa free tuition at miscellaneous fees sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act ay walang dapat ipag-alala dahil pumayag ang Department of Budget and Management na ma-exempt ang Tertiary Education Subsidy Program sa mga budget na hindi mare-release.