Catholic Church pansamantalang lilimitahan ang maaaring dumalo sa kasal, binyag at requiem mass

  • Archdiocese of Manila may ilang restriksyong ipatutupad kapag pinayagan ng pamahalaan ang pagsasagawa ng religious activities
  • Lilimitahan ang mga taong makadadalo sa kasal, binyag at requiem mass
  • Nilinaw ni Bishop Broderick Pabillo na pansamantala lang ang mga restriksyon habang may banta pa ng COVID-19

May inihanda nang safety precautions ang Archdiocese of Manila sa oras na lumuwag na ang ipinatutupad na community quarantine sa Metro Manila at pinayagan na ng pamahalaan ang pagsasagawa ng mga religious activities.

Imahe mula sa Empowering Churches

Kabilang sa mga hakbang na ipatutupad ng Simbahang Katoliko upang masiguro ang kaligtasan ng lahat at pigilan ang muling pagkalat ng COVID-19 ay ang paglilimita sa bilang ng mga tao na papayagang makadalo sa kasal, binyag at requiem o funeral masses.

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, wala na munang mga abay sa kasal. Tanging groom at bride, isang set ng ninong at ninang at mga immediate family members ng magkabilang partido ang maaaring dumalo sa kasalan.

Sa Pilipinas, maging ang isang simpleng kasalan ay umaabot sa 100 ang mga bisita na maituturing na malaking pagtitipon ng mga tao, isang bagay na ibinagbabawal ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases

Sa binyag, ang mga magulang ng bata at isang pares na ninong at ninang lang ang papayagang makapasok sa simbahan.

Kung marami ang magpapabinyag, hindi iyon gagawin nang sabay-sabay. Hangga’t maaari ay gawing weekdays ang pagpapabinyag upang hindi dagsa kapag araw ng Linggo. Binigyang-diin ni Bishop Pabillo na isang bulak kada bata ang gagamitin sa pagpahid ng Holy Oil.

Imahe mula sa Archdiocese of Manila

Sa libing, ang mga kamag-anak lang ng namayapa ang papapasukin sa simbahan upang makinig ng requiem mass. Kung nakapagsagawa na ng misa sa lamayan, hindi na dapat dalhin pa sa simbahan.

Nilinaw ni Bishop Pabillo na ang mga restriksyong ipatutupad ay pansamantala lang habang nananatili pa rin ang banta ng coronavirus.