Billboards na mano-manong ipinipinta, muli kayang masisilayan?

  • Mano-mano noong ipinipinta ang mga movie billboards
  • Nagpapakita ito ng husay at galing ng mga mangguguhit
  • Pero unti-unti na itong nawala dahil sa pagpasok ng makabagong teknolohiya

Naaalala mo pa ba ang mga makukulay at naglalakihang movie billboards noon na talaga namang pinaghihirapang ipinipinta ng mga Pilipinong may angking talento sa larangan ng pagpipinta?

Image shared by Aries Tagasa Salazar via Facebook

Sa paglipas ng panahon, unti-unti na itong nawala dahil sa pagpasok ng makabagong teknolohiya na may kakayahang mag-imprenta ng digital billboard sa mas mabilis na oras at murang halaga.

Sa Facebook group na Pilipinas Noon, ibinahagi ni Aries Tagasa Salazar ang larawan ng mga naipintang billboard at masasayang alaala ng kahapon.

Makikita sa kanyang post ang poster ng mga pelikula noon kagaya ng Anak ng Tondo, Pale Rider, Kapag Ako’y Tupang Itim at Barkada.

Kapsyon ni Aries, “Naaalala nyo pa ba ito? Noong mano-mano pa lang na ipinipinta ang mga movie billboard?”

Agad naman itong humakot ng komento mula sa mga netizens. Sabi ng isa, “Ang gagaling talaga. Sayang, nawala ang mga ganyang sining at pagkakakitaan ng Pinoy.”

Komento naman ng iba, “Sila ‘yung magagaling na nawalan ng trabaho dahil puro digital na ang gamit ngayon. Hay, saan na kaya sila ngayon?”

Ayon sa Nolisoli, de-kalibre noon ang mga painted billboard kagaya na lamang ng studied photorealism ni Nora Aunor at salmon pink ng Ninja Turtle.

Nabanggit din na nagsimula ang pag-usbong ng movie advertisements sa Pilipinas noong dinala ng mga Amerikano ang stand-alone Art Deco Theater sa bansa.

Noon, naglagay na ng mga patalastas ng mga pelikula sa mga pader at bubong ng mga gusali.

Subali’t dahil sa pagnanais na mapababa ang gastos at mapalaki ang kita, sinimulang ibahin ng mga kompanya ang istratehiya at nagpokus sa mayayamang kliyente. Para gawin ito, maraming mall operators ang piniling gumamit ng digitally printed billboards.

Image shared by Aries Tagasa Salazar via Facebook

Unti-unti na ring bumaba ang pagpunta ng mga tao sa sinehan at bumaba ang bilang ng mga pelikulang gawa ng mga Pilipino.

Ito ay dahil sa pamimirata, pagtangkilik sa mga pelikula galing ibang bansa, YouTube at mga teleserye.

Kay sayang balikan ang nakaraan. Anu-ano ang mga karanasang naaalala mo sa mga lumang movie poster?

Image shared by Aries Tagasa Salazar via Facebook