75-anyos na lola,1-taong gulang na sanggol, nanay namamalimos; walang SAP

  • Mag-anak nanlilimos para maipambili ng pangangailangan
  • Binubuo ito ng isang 75-anyos na lola, 1-taong gulang na sanggol at nanay nito
  • Hindi umano sila nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan

Gaano nga ba kahirap para sa mga mahihirap na pamilya ang mawalan ng mapagkakakitaan at walang sapat na naimbak na pera o pagkain para sana’y makapamuhay nang maayos habang ipinapatupad ang quarantine sa gitna ng COVID-19 pandemic?

Image by Bernadette Reyes via Facebook

Para sa isang pamilya sa Quezon City na kumakalam na ang sikmura, pinili na lamang nila ang mamalimos mula sa mga may mabubuting loob para matugunan ang pangangailangan.

Pagbabahagi ni GMA News reporter Bernadette Reyes sa Facebook, namamalimos ang isang 75-anyos na lola, isang taong gulang na sanggol at nanay nito sa Congressional Avenue sa Quezon City.

Nabanggit din na wala ang pangalan ng kani-kanilang pamilya sa listahan ng mabibigyan ng Social Amelioration Program (SAP) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang SAP ay isang subsidiyang ipinamimigay ng pamahalaan sa mga mahihirap na pamilya o ‘yung mga lubhang apektado ng ECQ. Nasasaad ito sa Bayanihan To Heal As One Act na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Karagdagan, makikita rin sa larawang kuha ni Reyes ang mga karatulang hawak ng pamilya. Nakalagay dito ang paghingi nila ng pera pambili ng kanilang pangangailangan partikular ng sanggol.

Nasasaad sa karton na hawak ng isa sa kanila, “Konting tulong lang po, pambili lang po ng gatas ng dalawang anak ko po. Maraming salamat po.”

Umantig naman sa mga netizens ang nakakaawang kalagayan ng pamilya. Marami ang nagpaabot ng mensahe at suporta.

Sabi ng isa, “Bakit ba talaga ganyan kayo? ‘Yung mahirap, lalo niyong binabaon sa hirap pero pag botohan ginagamit ninyo. Barya lang naman ang binibigay ninyo.”

Komento naman ng isa, “Bukas po. Hahanapin ko po kayo sa Congressional Avenue. Sana po ay makita ko kayo at maabutan ng tulong. Ingat po.”

Image by Bernadette Reyes via Facebook

Habang ipino-post ito ay nag-trending na ang update ni Reyes na nakahakot ng higit 1,600 reaksyon at nasa 1,100 pagbabahagi sa Facebook.

Sana’y matulungan sila.

Image by Bernadette Reyes via Facebook
Source :

Facebook