2-taon prangkisa para sa ABS-CBN, isinusulong

  • Mambabatas, isinusulong ang 2-year temporary franchise para sa ABS-CBN
  • Kung maaaprubahan, makapagbo-broadcast ang network habang dinidinig ang isyu sa 25-year franchise
  • Nalulungkot si Rep. Rufus Rodriguez sa naging desisyon ng NTC na ipatigil ang operasyon ng network

Pansamantalang prangkisa na tatagal hanggang Hunyo 30, 2022 ang isinusulong ng isang mambabatas para payagang mag-broadcast muli ang Kapamilya Network habang nagsasagawa ng deliberasyon ang Kongreso ukol sa 25-year franchise nito.

Image by Rufus Rodriguez via Facebook

Ipinasa ni Rep. Rufus Rodriguez nitong Miyerkules ang House Joint Resolution 30 upang himukin ang lehislatura na bigyan ng pansamantalang prangkisa ang ABS-CBN.

Sabi ni Rodriguez, “Now the remedy is for the House to speed up its hearing on my proposals for a temporary franchise and for the grant of a new 25-year broadcasting service privilege.”

Ipinasa rin ng mambabatas ang House Bill 6694 na layuning magbigay ng panibagong 25-taong prangkisa para sa ABS-CBN. Kabilang ito sa marami pang nakabinbin para sa ABS-CBN franchise.

Nalulungkot umano ito sa naging desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na maglabas ng cease and desist order sa ABS-CBN.

Nabanggit din na may ilang mambabatas na tinawag na insulto ang aksyon ng NTC kaya’t hinihikayat ni Rodriguez ang pamunuan ng Kongreso na agarang aksyunan ang problema ng network.

Batay sa Inquirer, sinabi umano ng Cagayan de Oro lawmaker na pinili ng NTC na balewalain ang collective voice ng Kongreso at Senado na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para patuloy na makapag-broadcast.

Umaasa siya na sa gitna ng COVID-19 pandemic ay makagagamit ng hakbang para mapabilis ang hearing sa pamamagitan ng new normal videoconferencing platforms.

Image by Rufus Rodriguez via Facebook

Pagbabahagi ng GMA News, sinabi ni Sen. Sonny Angara na maaaring tumagal lamang ng dalawang linggo ang deliberasyon ng Kongreso sa 25-year ABS-CBN franchise, pero nakadepende pa rin umano ito sa mga kongresista.

“‘Yung House maraming klaseng tren ‘yan. Mayroong PNR train, ‘yung mabagal. Mayroong bullet train. Depende ‘yan sa gugustuhin nila,” aniya.

Image by Sonny Angara via Facebook page