Paninita sa maid na walang face mask, nauwi sa sa tangkang pagdakip sa among foreigner

  • Isang maid sa Dasmariñas Village na nagdidilig ng halaman ang sinita ng mga pulis dahil walang suot na face mask
  • Kinumpronta ng foreigner na amo ng maid ang mga sumitang awtoridad
  • Nauwi sa tangkang pagdakip sa foreigner ang nangyaring komprontasyon

Magsasampa ng kaso laban sa Makati Police ang isang foreigner na residente ng Dasmariñas Village sa Makati City matapos siyang tangkang hulihin ng isang police officer kasunod ng kanilang pagtatalo. Kinilala ang banyaga na si Javier Salvador Parra.

Imahe mula kay Javier Parra

Nagroronda ang mga awtoridad sa loob ng village dakong alas-sais ng gabi noong Linggo, ika-26 ng Abril, nang madaanan nila ang maid ni Parra na nagdidilig ng halaman sa labas ng bakuran nang walang suot na face mask. Pumasok daw ng bahay ang maid para kumuha ng face mask.

Ilang saglit lang ay lumabas si Parra, kasama ang asawa nitong si Abegail, at kinumpronta ang pulis na diumano ay pagmumultahin siya ng P1,000 dahil naaktuhang walang face mask ang maid nila.

Sa isang video mula sa panig ng pulisya, makikita si Parra na binawalan ang pagkuha ng video.

“Kuya, come here. This is not allowed to do, ha? Who are you” sambit ng banyaga sa kasama ng pulis na kumukuha ng video.

Sa una ay malumanay pa si Parra sa ginagawang pangangatwiran. Malumanay din naman ang pulis. Subalit kalaunan ay tumaas na ang boses ng banyaga at nauwi ang insidente sa tangkang warrantless arrest laban kay Parra.

Sa video mula sa asawa ni Parra, makikitang ibinalibag ng pulis si Parra upang posasan ito, ngunit hindi itinuloy dahil sa sigaw ni Mrs. Parra na may back injury ang asawa at delikado para sa buhay nito ang ginagawa ng pulis.

Screenshot mula sa video na ibinahagi ng Philstar

Makikita at maririnig din sa video na sinabi ng pulis na pati ang asawa ni Parra ay huhulihin din.

Nang makatayo ay pumasok ng kanilang tahanan si Parrra at hindi nagtagal ay umalis na rin umano ang mga pulis.

Ayon sa ulat ng Philstar, nag-isyu ng statement ang Barangay Dasmariñas sa mga residente nito na si Parra ang nagsimula ng pagtatalo.

“This policeman is a very polite cop. Contrary to what they said, he was not fining anyone for that matter for not wearing mask. He was just reprimanding him. The police held his cool for the longest time. Because of what he did, the police finally said he will arrest him, but he resisted arrest and when the wife said he had spine surgery, the police stopped handcuffing him,” saad ng statement ng barangay.

Ayon kay Police Brig. Gen. Bernard Banac, spokesperson ng PNP, kakasuhan ng Makati Police si Parra.

Screenshot mula sa video na ibinahagi ng Philstar