Pacquiao, nanawagan ng tulong para makalikom ng “Heroes Fund” at magtayo ng “Heroes Hotel” para sa frontliners

  • Manny Pacquiao, susuklian ang hindi matatawarang serbisyo ng mga health care frontliners sa COVID-19 crisis sa bansa
  • Nanawagan siya sa mga hotel owners na ipahiram ang mga hotels para magamit na quarantine facilities para sa mga frontliners na na-expose sa coronavirus
  • Nangangalap din siya ng pondo para sa mga frontliners at pamilya

“Real heroes” ang tawag ni Senator Manny Pacquiao sa mga health care frontliners sa bansa na patuloy na nakikibaka sa pandemic.

Imahe mula sa Philippine News

Bilang ganti sa hindi matatawarang serbisyo na kanilang ibinabahagi, nais ni Senator Pacquiao na matulungan ang mga frontliners sa pamamagitan ng pangangalap ng pondo o “heroes fund” at pagtatag ng quarantine facilities para sa kanila na tinawag niyang “heroes hotel.”

Sa isang panayam, sinabi ng mambabatas na may ibinigay siyang challenge sa mga hotel owners – ang ipahiram ang kanilang hotel upang magamit bilang quarantine facilities para sa mga health care workers kabilang ang mga doktor at nurses na na-expose sa novel coronavirus dahil sa kanilang pagseserbisyo.

Agad daw na tumugon sa challenge ang kaibigan niyang si Wilson Lee na handang ipahiram ang Oriental Hotel na pag-aari nito na kayang mag-accommodate ng hanggang isanlibong pasyente.

“Lahat itong ipapagamit natin tatawagin nating Heroes Hotel kasi tunay na hero itong mga frontliners natin. ‘Yun ang tunay, hindi si Manny Pacquiao. Buhay ang tinataya at marami na rin ang namatay because of fulfilling their duties. Sila ang mga tunay na heroes,” aniya.

Imahe mula sa Facebook page ni Sen. Manny Pacquiao

Bukod sa “heroes hotel,” ay nangangalap din si Pacquiao ng heroes fund. Nanawagan siya sa publiko na tulungan siyang makalikom ng pondo na magagamit ng mga frontliners at ng mga pamilya nila sa oras ng pangangailangan.

“Itong Heroes Fund na ito, unang-unang ako magdo-donate para sa mga frontliner na nam*tay , naapektuhan, nagkasakit at naospital. Sasagutin natin ang mga expenses nilang lahat,” lahad ng senador.

Aniya, tatapatan niya sa abot ng kanyang makakaya ang tulong na manggagaling sa publiko.

 

Source :

ABS-CBN, Abante