Low-income families sa mga lugar na isinailalim sa GCQ bibigyan pa rin ng cash aid – DSWD

  • Makatatanggap pa rin ng ayuda sa susunod na buwan ang mga benepisyaryo ng SAP kahit ang lugar nila ay inilagay sa mas maluwag na GCQ
  • Ang lahat ng tumanggap ng emergency cash subsidy sa ilalim ng SAP sa buwan ng Abril ay mananatiling benepisyaryo sa buwan ng Mayo
  • Patuloy pa rin ang ginagawang pamamahagi ng ayuda para sa buwan ng Abril

Ang mga low-income families sa mga lugar kung saan inalis na ang enhanced community quarantine (ECQ) ay makatatanggap pa rin ng emergency cash subsidy mula sa pamahalaan, ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista.

Imahe mula sa DSWD

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Sec. Bautista na ang mga nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa buwan ng Abril ay nananatiling benepisyaryo ng programa sa buwan ng Mayo kahit ang kanilang lugar ay ilalagay sa ilalim ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ) simula May 1.

Ito ay batay umano sa panuntunan ng SAP.

“Batay sa umiiral na panuntunan, kung sino ang mga makakatanggap, kung sino ang nakatanggap noong first tranche ay sila rin ang benepisyaryo para sa buwan ng Mayo. Dalawang buwan ipapatupad ang SAP,” paliwanag ni Sec. Bautista.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, target na mabigyan ng emergency cash subsidy mula P5,000 hanggang P8,000  ang 18 million low-income families na kabilang sa informal sector sa mga buwan ng Abril at Mayo.

Nilinaw ng kalihim na ang paglilipat ng pondo para sa emergency cash subsidy sa mga local government units (LGUs) ay depende kung nakapagsumite na sila ng liquidation report para sa mga cash aids na naipamahagi na sa buwan ng Abril.

Imahe mula sa DSWD

Tiniyak ni Sec. Bautista na sapat ang pondo para sa emergency cash subsidy para sa mga beneficiaries kahit pinalawig ang ECQ sa maraming lugar.

“Sakop ng implementasyon ng SAP ang buwan ng Mayo kaya naman ngayong extended ang enhanced community quarantine sa maraming lugar, makaaasa ang ating mga kababayan na patuloy na apektado ng crisis na meron silang matatanggap na tulong mula sa pamahalaan,” aniya.

Patuloy pa rin ang ginagawang pamamahagi ng ayuda para sa buwanng Abril. Ayon sa DSWD, halos lahat ng pondo para rito ay nailipat na sa mga LGUs.

Imahe mula sa DSWD