Dyip nilagyan ng ‘plastic partition’ para masigurong may physical distancing sa mga pasahero

  • Ilang dyip sa Baguio City, naglagay ng divider sa kanilang sasakyan para masunod ang physical distancing
  • Ani Gideon Amino, madali nilang makikita kung puno na ang sasakyan dahil dito
  • Makakapagsakay pa rin ang dyip ng 11 katao o kalahati ng kapasidad nito

Makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim na lamang sa general community quarantine (GCQ) ang maraming lugar na may mababang insidente ng COVID-19, napaisip tuloy ang ilan kung papaano masusunod ang physical distancing kapag muling aarangkada ang mga pampublikong sasakyan.

Image by Fe Carina Comafay-Liwanen Camaeg via Facebook

Ayon sa CNN Philippines, sa ilalim ng GCQ, muling bubuksan ang ilang establisyimento at trabaho sa ilang sektor na kinabibilangan ng transportasyon.

Sa kabila nito, magpapatupad naman ng “new normal” katulad ng pagsunod sa social distancing sa pamamagitan ng limitadong pasahero ng mga sasakyan.

Nakaisip tuloy ng istratehiya ang ilang tsuper sa Baguio City. Ibinahagi ng ABS-CBN News na agaw-pansin ang paglalagay ng ilang tsuper doon ng divider sa kanilang minamanehong dyip bilang pagsunod sa social distancing para sa mga pasahero.

Sabi ni Gideon Amino, isa sa mga nagdisenyo at naglagay ng plastic partition, makatutulong rin ang harang upang madali nilang makikita kung puno na ang sasakyan.

Kapag gagamitin ang harang bilang pagsunod sa ipinapatupad na alituntunin para sa kaligtasan ng mamamayan, makakapag-sakay pa rin ang dyip ng 11 katao o kalahati ng kapasidad nito.

“Wow, ‘di namin inexpect na mapo-post ‘yung ginawa namin kahapon. Maraming salamat sa mga naka-appreciate, lalo na sa nag-post,” ani Amino.

Dagdag pa nito, tanging hangad lamang daw nila ay ang kaligtasan ng kanilang pasahero.

Agad namang umani ng papuri ang ginawa ni Amino.

Sabi ng isa, “Ang galing ninyo, mabuhay kayo for keeping your passengers safe. Please make sure na laging malinis ‘yung plastik at bukas lagi ang bintana para maganda ang air flow. Great job!”

Image by Fe Carina Comafay-Liwanen Camaeg via Facebook

Dagdag pang komento, “Sa mga pasaherong may kakayahan, mag-additional fare po kayo at sana ikonsidera ang kikitain ng mga drayber. Hindi tulad sa iba na puro reklamo sa pamasahe.”

Kahanga-hanga ang disenyong ito, nawa’y makita ng mas maraming tsuper at gawing inspirasyon.

Image by Fe Carina Comafay-Liwanen Camaeg via Facebook