Ang Unang Suweldo ni Bunso (A Family Story)

Isa ka rin bang magulang? Mayroon ka na bang anak na nagtatrabaho? Baka mayroon ka ring memorable story na pampamilya na gaya nito?

16 anyos na si bunso at nakapagtapos na sa high school. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nahuli siya sa enrollment sa kolehiyo sa unibersidad na kanyang inaplayan. ‘Naligaw’ kasi ang kanyang mga dokumento sa registrar.

Masakit man sa kalooban ay napilitan silang maghintay ng pagtatapos ng semester habang inaasikaso ang kanyang mga records. Pilit niyang nilabanan ang inggit na nararamdaman pagkat nagsipag-enroll na sa kolehiyo ang kanyang mga kaklase’t kaibigan.

May mga gabing hindi siya makatulog dahil sa kabiguang nararamdaman at sa mga katanungan na paulit-ulit sa kanyang isipan.

“Hintayin ko ba ang next semester o sikapin kong makahabol sa enrollment kahit sa ibang university na lang? I-give-up ko na lang kaya ang pangarap kong doon mag-aral? Ano kaya?”

Image via Pixabay

Salamat sa magandang mensahe ng kanyang ina tungkol sa “paghihintay”.

“Anak, everything happens for a reason. Itinuturo sa atin ng Panginoon na matuto rin tayong maghintay. Basta patuloy lang tayong manalig sa kalooban niya. Hindi tayo maliligaw.”

Upang mabaling ang kanyang atensyon sa ibang bagay at huwag masayang ang limang buwang paghihintay, naghanap siya ng trabaho sa malapit sa kanilang bahay at naging assistant sa puwestong nagtitinda ng mga cellphones.

Solo lang kasi ang kanilang ina sa pagtataguyod sa kanilang apat na magkakapatid at walang masama kung makatutulong siya sa kanilang nanay habang siya’y naghihintay.

Kapag walang mga customers at naayos na niya ang mga estante ng cellphones, nagbabasa siya at nag-aaral bilang paghahanda sa kanyang pagpasok sa kolehiyo. May notebook pa siya kung saan niya isinusulat ang mga aralin na kapaki-pakinabang. Wala siyang sinayang na oras!

Araw ng Suweldo

Mabilis ang oras para sa mga taong abala, Hindi napansin ni bunso na araw na pala ng suweldo!

Masaya siyang umuwi at iniabot sa kanilang nanay ang kanyang unang suweldo! Labis-labis ang kanyang kagalakan na makahawak ng pera na kanyang pinaghirapan at proud niyang inilagay sa kamay ng kanilang ina ang kanyang sobre na may lamang pera.

Nagulat si Nanay at agad itong ibinalik sa kanyang bunso; sabay sabi ng:

“Naku, anak, para sa iyo ‘yan. Pinaghirapan mo iyan. Gamitin mo sa nais mong mabili o kaya’y idagdag sa iyong alkansiya. Huwag mo akong alalahanin!”

Nagulat si bunso. “Pero Nay, ito nga ang gusto ko, ang ibigay sa iyo ang aking suweldo, lalo na itong unang-una!”

“Naaalala ko ‘yung sinabi ni Sir Joey natin noong nagkukuwento siya. Sabi niya, ang unang-unang suweldo ay ibigay sa inyong nanay. Bakit? Pagkat ang mabuting anak ay laging pagpapalain. Saka gusto ko talagang ibigay sa iyo para makatulong sa mga gastusin dito sa bahay!” mangiyak-ngiyak na paliwanag ni bunso.

Hindi kasi niya inasahan na tatanggihan ng kanyang nanay ang kanyang suweldo.

Niyakap siya ng kanyang nanay na nangingilid na rin ang luha, ngunit ito’y bugso ng kaligayahan pagkat nakita niya na mabuti talaga ang kanyang anak.

May hihigit pa ba sa saya ng isang ina na nagmula sa realisasyon na napalaki niya nang mabuti ang kanyang mga anak?

Ang Katas ng Unang Suweldo

Ang sobreng naglalaman ng unang suweldo ay muling napabalik sa kamay ng kanilang ina. Nilagay ito ni Nanay sa tapat ng kanyang dibdib at bumulong ito ng dasal ng pasasalamat; lalo’t higit sa pagkakaloob sa kanya ng mababait na anak.

Ipinagdasal din niya ang kanyang bunso na nawa’y pagkalooban ng magandang kinabukasan at gabayan sa kanyang pag-aaral sa bagong kabanata ng kanyang buhay.

Ang kasunod?

Masaya silang nagtungo sa grocery at masayang namili ng mga pagkain na kanilang pagsasaluhan nang ilang araw.

Nang gabing iyun, sa harap ng hapag-kainan ay masayang ibinahagi ni Nanay sa iba pa niyang anak at mga kasama sa bahay na ang kanilang pagsasaluhan ay katas ng unang suweldo ni bunso!

Lumipas ang maraming taon…26 anyos na si bunso at maraming lugar nang narating. Maaayos na rin ang buhay ng kaniyang mga kuya at ng pamilya ng mga ito. Salamat sa pagpupursigi ng kanilang ina na sila ay mapag-aral at salamat din sa pagpapahalaga ng kanyang mga anak sa pag-aaral. Tunay na isa itong investment para sa maayos at maalwan na buhay.

At si Nanay? Naiipon na ang kinikita at inilalagak sa bangko. Ayaw naman niyang tumigil magtrabaho at manghihina raw siya. Ngunit hindi na hapitan ang ginagawa niya ngayon, pa-easy-easy na lang at may ilang mga batang iskolars pa ngang tinutulungan sa kanilang pag-aaral.

Maalwan na ang kanilang buhay pagkat nagbunga na ang lahat ng pagsisikap sa pag-aaral kasabay ng kanilang pananampalataya sa Ama.

“Ang mga anak na hindi nakalimot sa kanilang magulang at sa Diyos Ama ay patuloy na ginagabayan at pinagpapala.”

“Life is great!”

[PS This is a true story.]