Van ni Kim Chiu inabangan ng salarin batay sa CCTV footage, Xian Lim nagsalita

  • Batay sa kuha ng CCTV ay inabangan ng mga salarin ang van ni Kim Chiu
  • Mistaken identity ang isang anggulong sinisipat ng pulisya
  • Nagpasalamat naman ang nobyo ni Kim na si Xian Lim na ligtas ang nobya

Nahuli sa closed-circuit television camera (CCTV) ang ginawang pag-abang ng mga lalaking nakamotorsiklo sa paglabas ng van ni Kim Chiu sa subdivision, ayon sa pulisya.

Imahe mula sa Metro Showbiz

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Unit chief ng Quezon City Police District na si P/Major Elmer Monsalve, nasa kamay na ng special investigation task group ang CCTV footage ng pag-alis ng van ng aktres sa subdivision.

“Kung papaano dumaan ‘yung sasakyan nitong aktres na si Kim Chiu, makikita mo na nag-iisa lang siya. Tapos may biglang sumulpot na isang motor na naghihintay na doon sa subdivision. Nakaabang na talaga sa paglabas niya,” sabi ni Monsalve.

Aniya, sinusuri pa ang mga nakalap na ebidensya upang alamin kung ang pangyayari ay isang kaso ng “mistaken identity.”

“’Yun (mistaken identity angle) ang ine-establish pa rin namin ngayon kasi kung titingnan mo naman si Kim Chiu, sa kanyang background at character, hindi mo makitaan ng mayroon siyang nakatalo,” paliwanag ng opisyal.

Ang insidente ay naganap alas-sais ng umaga noong Miyerkules, ika-4 ng Marso, sa panulukan ng CP Garcia Avenue at Katipunan Avenue sa Diliman, Quezon City. Ligtas ang aktres at personal assistant niyang si Mayrin Nasara at driver na si Wilfredo Taperla.

Imahe mula kay Xian/Inset mula sa ABS-CBN

Idinaan naman ng aktor na si Xian Lim, ang nobyo ni Kim Chiu, sa Instagram ang pasasalamat na ligtas sa insidente ang nobya.

“Thank you God for always being by our side,” post ni Xian.

“Thank you to everyone who expressed their prayers and concern. We can never explain why these horrible things happen,” dagdag pa ng aktor na nagpasalamat na walang sinumang nasaktan sa pangyayari.

Nakikipag-ugnayan na ang kampo ni Kim at kanyang abogado sa mga awtoridad para mahuli ang mga salarin.

Imahe mula sa Remate
Source :

MSN, ABS-CBN