Riding-in-tandem na nanghablot ng cellphone nahuli dahil sa tulong ng mga concerned citizens

  • Riding-in-tandem nanghablot ng cellphone sa Malate, Maynila
  • Nahuli ang dalawang suspek sa tulong ng mga concerned citizens
  • Sinabi ng isa sa mga suspek na may sakit ang anak kaya nagawa ang pang-aagaw ng cellphone

Sa kalaboso ang bagsak ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo na nanghablot ng cellphone ng biktimang naglalakad sa kahabaan ng isang kalsada sa Malate sa Lungsod ng Maynila.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Batay sa kuha ng mga CCTV sa lugar, gumagamit ng kanyang cellphone ang biktimang tinawag na “Brad” habang naglalakad sa Dagonoy Street. Habang abala siya sa pagse-cellphone ay nakita rin sa video footage ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo.

Bigla na lang hinablot ng dalawang lalaki ang cellphone ni Brad at mabilis na pinaharurot ang motorsiklo para tumakas.

Hindi naman nasindak si Brad at hinabol niya agad ang riding-in-tandem hanggang sa maabutan niya ang mga ito sa Taft Avenue nang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo ng mga salarin.

Nang makatayo ay biglang kumaripas ng takbo ang nagmamaneho ng motorsiklo samantalang ang kasama ay nakipagbuno sa biktima. Tumulong ang ilang concerned citizens, kabilang ang mga security guards ng isang unibersidad sa lugar, upang mahuli ang dalawang kawatan.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Kinilala ang dalawang suspek na sina Walter Nablo at Kirk Rommel Castro. Nadiskubreng walang driver’s license ang dalawa at hindi rin rehistrado ang ginamit na motorsiklo. Sasampahan sila ng kasong robbery.

Ayon sa isa sa mga suspek, napilitan lang siyang gawin ang pang-aagaw ng cellphone dahil sa pangangailangan ng anak na may sakit. Dalawang beses pa lang daw nila nagagawa ang ganoon.

Sinabi naman ni P/Lt. Col. Samuel Pabonita na maraming kawatan sa lugar dahil maraming lusutan na maaaring matakbuhan.

“Marami kasing lusutan doon, eh. Kaya ang ating mga snatcher doon kadalasan tumitira kasi madali silang maka-exit,” aniya.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN
Source :

YouTube