Pastor sa Aklan hinuli matapos tipunin ang mga miyembro para sa isang Bible study

  • Pastor na nagsagawa ng Bible study sa Aklan hinuli
  • Sinita ng barangay chairman ang Pastor dahil nilabag nito ang social distancing protocol na ipinatutupad sa probinsya
  • Hinuli ang pastor matapos niyang itinapon ang kopya ng executive order ng gobernador hinggil sa social distancing

Isang pastor sa bayan ng Altavas sa Aklan ang hinuli ng mga awtoridad noong Lunes, ika-23 ng Marso, dahil sa paglabag sa Section 16 ng Republic Act No. 10951 o Resistance and disobedience to a person in authority.

Imahe mula sa Sermon Central

Dinakip ang pastor na nakilalang si Ivan Yadao, 41 anyos, matapos niyang makipagsagutan sa chairman ng Barangay Dalipdip na si Edilberto Domingo nang pagsabihan siya nito tungkol sa mahigpit na ipinatutupad na social distancing protocol sa Aklan.

Ayon sa barangay chairman, tinipon umano ni Pastor Yadao ang mga miyembro niya sa kanilang chapel upang magsagawa ng Bible study. Kabilang sa mga dumalo ang maraming matatanda at bata.

Napansin ng mga barangay officials na hindi ipinaiiral sa loob ng chapel ang social distancing at dikit-dikit umano ang mga miyembro ng pastor habang nakikinig sa kanya kaya nagtungo sila roon upang ipaalam ang executive order mula kay Aklan Governor Florencio Miraflores hinggil sa social distancing at community quarantine na ipinatutupad sa probinsya.

Nauwi sa mainit na pagtatalo ang paninita na ginawa sa pastor kaya napilitan si kapitan Domingo na ilabas ang dala niyang kopya ng nabanggit na executive order upang ipabasa iyon sa kay Yadao, subalit itinapon lang iyon ng pastor.

Imahe mula sa Radyo Todo

Dahil doon ay napilitan silang hulihin si Yadao at dalhin sa presinto kung saan siya sinamphan ng reklamo. Nahaharap siya ngayon sa posibleng pagkakakulong ng hanggang tatlumpung araw o multa na hanggang P20,000.