Pantawid ng Pag-ibig concert: Ivana Alawi, sa halip kumanta ay nagturo ng pag-disinfect ng bahay

  • Ivana Alawi, nakibahagi sa “Pantawid ng Pag-ibig: At Home Together Concert” fundraising drive ng ABS-CBN
  • Sa halip na kumanta ay nagbigay ng tips si Ivana kung paano mag-disinfect ng bahay
  • Hinikayat niya ang mga followers na mag-donate ng kahit anong tulong sa Pantawid ng Pag-ibig fundraising campaign

Isa ang Kapamilya actress at sikat na vlogger na si Ivana Alawi ang nakibahagi sa “Pantawid ng Pag-ibig: At Home Together Concert,” isang fundraising drive ng ABS-CBN para sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng enhanced community quarantine.

Screenshot mula sa vlog ni Ivana Alawi

Ngunit sa halip na kumanta, nagbahagi si Ivana ng isang video blog na nagtuturo, sa nakatatawang paraan, kung paano ang tamang pag-disinfect ng bahay.

“Okay, maglilinis tayo kasi maraming pinapasok na gamit sa bahay…so, hindi ko alam kung saan galing ‘yan, kung saan napatong ’yan…kung nakakapit sa kanya ang virus kaya kailangan  kong mag-disinfect sa bahay. Simulan na natin,” anang magandang aktres sa vlog niya.

Makikitang nagwalis at nag-wisik ng bleaching solution bago pinunasan ng basahan ang sahig sa living room ng bahay. Gumamit din siya ng disinfectant spray upang mapuksa ang mikrobyo sa hangin.

Aniya, kahit ang mga alagang hayop ay dapat linisin.

“So, kung may mga hayop kayo na ganito (aso)…hindi ‘yung hayop na ex n’yo, idi-disinfect din natin ang mga paa nila kasi kung saan-saan ‘to tumatapak. Kailangan natin ‘tong malinis,” aniya.

Screenshot mula sa vlog ni Ivana Alawi

Hindi rin nakaligtas sa kakulitan ni Ivana ang kanyang ina.

“Kapag madumi ang nanay n’yo, kung saan-saan nagtatakbo-takbo sa labas…parang bata…i-disinfect n’yo rin,” aniya habang pinupunasan ang paa ng ina.

Sa dakong hulihan ng vlog ay hinikayat niya ang mga followers niya na mag-donate ng kahit anong tulong sa Pantawid ng Pag-ibig fundraising campaign.

 

Source :

ABS-CBN, YouTube