Moira Dela Torre naki-jam sa isang street performer sa New York

  • Moira Dela Torre naki-jam sa isang busker sa Central Park sa New York
  • Kinanta ni Moira ang classic hit song ni Elvis Presley na “Can’t Help Falling in Love”
  • Si Moira ay nasa U.S. para sa “Braver Moira” concert tour kasama si Ice Seguerra

Ibinahagi ng Cornerstone Entertainment talent agency ang video ni Moira Dela Torre na nakikipag-jam sa isang busker o street performer sa Central Park sa New York sa Amerika.

Screenshot mula sa video ng Cornerstone Entertainment

Kinanta ni Moira ang classic hit song ni Elvis Presley na “Can’t Help Falling In Love” habang ginigitarahan siya ng busker sa Central Park.

Philippines’ Most Streamed Artist @moirarachelle joined a busker at Central Park in New York! So much feels on this song, Moi! Best way to start her U.S Tour!” post ng talent agency sa Instagram.

Hindi ito ang unang beses na naki-jam si Moira sa isang busker. Noong Disyembre ng nakaraang taon ay naki-jam siya sa isang nakilalang TJ na nagpe-perform sa labas ng isang mall sa Maynila.

“Nagdi-dinner lang kami nung may narinig kaming nagba-busk kinakanta mga kanta namin. Iba pa rin talaga yung feeling na marinig mo yung kanta mong kinakanta ng iba,” sabi noon ni Moira.

Si Moira ay kasalukuyang nasa United States para sa kanyang kauna-unahang concert tour sa Amerika – ang “Braver Moira” US concert tour kung saan itinatampok ang kapwa singer-songwriter na si Ice Seguerra bilang special guest.

Imahe mula sa Reagan John Productions

Gaganapin ang unang gabi ng Braver Moira concert March 6 (March 7 sa Pilipinas) sa Loew’s Jersey Theater sa Journal Square Plaza, Jersey City, New Jersey 7:30 ng gabi.

Sa March 7 ay sa Lisner Auditorium sa Washington DC naman mapapanood si Moira at Ice at sa March 14 ay nasa Wilshire Ebell Theatre sa Los Angeles, California naman ang dalawa. May schedule din sa San Diego sa California ang Braver Moira concert tour subalit walang ibang detalye tungkol dito.